Kaparusahan sa taong kasal na makikiapid sa iba
- BULGAR
- Jun 18, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 18, 2022
Dear Chief Acosta,
Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas, nagdesisyon ako na iwanan pansamantala ang aking asawa upang makipagsapalaran bilang manggagawa sa ibang bansa. Makalipas ang ilang taon, nabalitaan ko na nagpakasal ang aking asawa sa aming kumpare at malapit na silang magkaroon ng anak. Sa aking galit at pagkadismaya sa kanilang pagtataksil, agad akong umuwi ng Pilipinas.
Ano ang krimen na posibleng nagawa nila, kung mayroon man?
- Bernard
Dear Bernard,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Article 349 ng Revised Penal Code na nagsaad na:
“ARTICLE 349. Bigamy - The penalty of prison mayor shall be imposed upon person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”
Dagdag pa rito, sa kasong Leonila G. Santiago vs. People of the Philippines (G.R. No. 200233; July 15, 2015; Ponente: Honorable Former Chief Justice Maria Lourdes Sereno), sinabi ng Kagalang-galang na Korte Suprema ang sumusunod:
“A person, whether man or woman, who knowingly consents or agrees to be married to another already bound in a lawful wedlock is guilty as an accomplice in the crime of bigamy.”
Malinaw na nakasaad sa batas na ang sinumang tao na nagpakasal muli, bago mapawalambisa ang nauna niyang kasal o bago maideklarang pinaniniwalaang patay (presumptively dead) ang nawawala niyang asawa sa pamamagitan ng hatol ng hukuman ay maaaring managot sa krimeng bigamy. Malinaw na nakasaad din sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema na ang sinumang tao na magpakasal o pumayag na magpakasal, sa kabila ng kaalaman nitong kasal pa rin ang kanyang mapapangasawa ay nagkasala bilang kasabwat (accomplice) sa nasabing krimen.
Samakatuwid, dahil ang inyong asawa ay nagpakasal sa inyong kumpare habang may bisa pa ang inyong kasal, maaari siyang managot sa krimen na bigamy at mahatulan ng parusang pagkakakulong na aabot sa anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon. Ang inyong kumpare naman ay maaaring mapanagot bilang kasabwat sa nasabing krimen kung alam niyang kasal pa rin ang inyong asawa, ngunit nagpatuloy sila sa pagpapakasal. Maaari naman siyang maparusahan ng aabot anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon bilang isang accomplice.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments