Kapangyarihan ng lehislatura
- BULGAR
- Jul 10, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 10, 2022
1. Kapangyarihang magpasa, gumawa, magsusog at magpawalang-bisa ng batas;
2. Kapangyarihang maglaan ng pondong gugugulin para sa pansalaping operasyon ng buong pamahalaan sa isang taon at para sa mga espisipikong layunin, tulad ng paglalaan ng pondo para sa mga biktima o nasalanta ng kalamidad. Subalit ang kapangyarihang ito ay may mga kaugnay na limitasyon, tulad ng:
a. Ang pondo ay dapat gugulin para sa pampublikong layunin;
b. Ang kabuuan ng pondo ay dapat determinado at may katiyakan upang magkaroon ng gabay ang National Treasury sa pagpapalabas ng pera;
c. Ang appropriations bill ay marapat na manggaling sa Mababang Kapulungan ng Kongreso;
d. Ang discretionary funds naman ay dapat na gamitin para sa pampublikong layunin at nakalagay roon kung saan ito dapat gugulin at sa kondisyong may pondo na makukuha sa National Treasury na mailalaan para rito;
e. Walang pera mula sa National Treasury ang dapat na mailabas para suportahan ang anumang sekta, simbahan, denominasyon o para suportahan ang pari, pastor, ministro o iba pang nagtuturo ng relihiyon, maliban kung ang nasabing pari, dignitary o ministro ay nakatalaga sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, penal institution o government orphanage o leprosarium.
3. Kapangyarihang magpasa ng batas para magpataw ng buwis (taxation power). Ito ay isang likas na kapangyarihan ng estado at ipinagkaloob ito sa Lehislatura. Ang paggamit ng kapangyarihang ito ay nililimitahan ng mga sumusunod na alituntunin:
a. Ang alituntunin ng pagpapasa ng batas para magpataw ng buwis ay dapat magkakapareho, matuwid at karampatan. Ang ibig sabihin ng pagkakapareho sa pagpataw ng buwis ay ang lahat ng bagay na nasa isang lugar at klasipikasyon ay mabubuwisan ng pare-pareho. Masasabing matuwid ang pagpataw ng buwis kapag ang magiging basehan ng pagbubuwis ay ayon sa kapasidad ng namumuwisan;
b. Hindi mapapatawan ng buwis ang lahat ng lupa, gusali at iba pang improvements na pag-aari ng mga institusyon para sa edukasyon, kawanggawa, mga simbahan, kumbento, mosque, mga sementeryo na hindi kumikita o hindi ginagamit na pagkakakitaan. Dapat lamang na aktwal, direkta at eksklusibong ginagamit ng mga nasabing institusyon ang mga nabanggit na pag-aari para sa edukasyon, kawanggawa at relihiyon. Kinakailangan lamang na ito ay aktwal, eksklusibo at direktang ginagamit para sa mga layuning nabanggit.
4. Ang Kongreso sa pamamagitan ng 2/3 votes ng parehong Mababa at Mataas na Kapulungan, ay may kapangyarihang magdeklara na ang Pilipinas ay nasa state of war;
5. Kapangyarihang magbigay ng pagsang-ayon sa amnestiya na ipagkakaloob ng Pangulo at sa mga pinagtibay na kasunduan (treaty) ng Pangulo.




Comments