Kapalit daw ni Andrea na sa GMA-7 naman… SANYA, KALAT NANG LILIPAT SA ABS-CBN
- BULGAR

- Oct 7
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | October 7, 2025

Photo: Sanya Lopez
Pagkatapos ni Andrea Brillantes, si Sanya Lopez naman ang nababalitang lilipat sa ABS-CBN.
Ang tsika, nakatakda na raw na lumipat ang aktres dahil nagustuhan niya ang offer sa kanya na isang big project at iba pa.
Tanong ng mga fans, ano ito, palitan sila ni Andrea? Lumalabas daw na gumaya o ginagaya ni Sanya ang batang aktres.
May naniniwala namang malabong mangyari na iwan ni Sanya ang GMA para lumipat sa ABS-CBN dahil hindi siya nawawalan ng project sa GMA-7. Hindi lang siya sa telebisyon binibigyan ng project dahil pati pelikula, binibigyan siya ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
In fact, malapit na ang showing ng horror movie na KMJS Gabi ng Lagim: The Movie. Isa siya sa mga bida ng pelikula at makakasama sa episode si Elijah Canlas.
May mga nag-comment pa nga na paborito ng GMA si Sanya dahil hindi siya nawawalan ng project. Kapag wala siyang TV series, siguradong may pelikula siya — na nangyayari nga.
Kaya marami ang naniniwalang hindi maiisip ni Sanya na lumipat sa ABS-CBN, unless collab ng Kapamilya at Kapuso ang project na kanyang gagawin. Mas posible pa ang ganitong scenario kaysa sa lipatan issue.
In fairness, ngayon lang nabalitang lilipat sa ABS-CBN si Sanya Lopez. Sa tagal na niya sa GMA-7, ngayon lang nabalitang iiwan niya ang kanyang home studio.
Pakanta-kanta pa raw…
GABBI, TODO-RAMPA SA KALYE SA PARIS, WALANG PUMAPANSIN
HUMABOL sa Paris Fashion Week si Gabbi Garcia at sabi nito, “Back in Paris for the last few days of fashion week, hope I’m not too late to the party. Excited to be with my Belo fam.”
Ibig sabihin ni Gabbi, sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho ang nagsama sa kanya sa Paris.
Tama ang paalala ng isang netizen kay Gabbi na mag-ingat siya at maghanda sa bashing dahil may isang group daw na ang gusto, isa lang ang sikat sa fashion week — at nagkatotoo nga.
Sa reels post ni Gabbi na kumakanta siya sa gitna ng kalye, may nag-comment kung bakit sa kalye siya nag-posing na walang pumapansin sa kanya. Dapat daw sa loob ng fashion shows siya rumarampa.
May nag-comment din na trying hard siya at cringe at awkward ang ginawa ni Gabbi.
Wala namang time sa mga bashers si Gabbi dahil busy itong rumampa. Binanggit pa niyang marami ang nag-compliment sa suot niyang jacket na gawa ni Neric Beltran at sa dress niya na gawa ni Vania Romoff.
Madlang pipol, galit na galit na…
AGOT: IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL, BUKSAN SA PUBLIKO
MAY matapang na pahayag si Agot Isidro sa mga nangyayari sa paligid at marami ang nag-agree sa kanya.
Pahayag ng aktres, “Sila-sila nag-aaway. Tayo, mga audience lang? Ganu’n na lang?
“Dapat may sey tayo sa mga nangyayari. Dapat parte tayo ng mga imbestigasyon, bilang tayo naman ang nagpapasuweldo sa kanila.
“Since ‘di na tayo ma-represent nang tama, dapat may boses na tayo sa mga hearing na ‘yan.
“Suggestion ko lang, dapat ‘yung ICI, ibukas ang talakayan sa publiko. ‘Yung mga documents at ebidensiya, ilabas. Kung may meeting, payagan ang media mag-cover.
“We demand transparency. We demand inclusivity. Pera namin ‘yang ginagastos n’yo. Bakit itinatago sa amin?”
Kung mababasa ng mga government officials at mga taga-DPWH (Department of Public Works and Highways) ang reaksiyon ng mga netizens, malalaman nilang sobra na ang galit ng taumbayan.
Hindi rin maintindihan ang pagre-resign ni Senator Ping Lacson bilang Senate Blue Ribbon Chair. Takot daw sila sa naiisip nilang papalit dito.
Kaya marami ang nananawagang magkaroon ng rally bago pa ang November 30 rally, at dapat daw ay sa Senado na pumunta ang mga tao.








Comments