Kapakanan at kalagayan ng mga manggagawa, bigyang pansin
- BULGAR

- Jun 5
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 5, 2025

Matagal na rin ang pananahimik ng mga manggagawa hinggil sa kanilang kalagayan na kahit na nahihirapan ay patuloy sa pagtatrabaho dahil ang mahalaga para sa kanila ay mabigyan ng magandang buhay ang mga pamilya.
Kaya naman muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagsuporta ng kanyang administrasyon sa sektor ng mga manggagawa, matapos nitong makipagpulong sa mga labor leader sa Malacañang kamakailan.
Layunin ng pag-uusap na mapanatili ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa — mula sa sapat na sahod hanggang sa pagkakaroon ng disenteng trabaho.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng bukas at makabuluhang usapan sa pagitan ng pamahalaan at labor groups upang makamit ang minimithing trabaho na may dignidad, sahod na sapat, at magandang kinabukasan ng bawat manggagawa.
Sa parte naman ng mga manggagawa, hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Pangulo ang agarang aksyon sa mga panukalang batas na matagal nang nakabinbin. Kabilang dito ang Union Formation Act, Assumption of Jurisdiction Act, at Workers’ Right to Strike Act — mga repormang magpapatatag sa karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa pagtatatag ng union at pagprotekta sa tinig sa industriya.
Ayon kay TUCP president Raymond Mendoza, hindi sapat ang pormal na pakikipagkita. Iginiit nito na ang bawat manggagawa ay hindi lamang umaasa sa mga pangako, kundi sa mga konkretong hakbang at batas na tunay na magtataguyod sa pagkakaroon ng trabahong may dignidad.
Bukod sa TUCP, dumalo rin ang iba’t ibang grupo gaya ng Associated Labor Unions (ALU), All Workers Alliance Trade Unions, at Pambansang Kilusan ng Paggawa, na sama-samang naglatag ng matagal nang mga hinaing ng sektor gaya ng sapat na pasahod, makataong kondisyon sa trabaho, at seguridad.
Gayunman, ang hamon ngayon ay hindi kung sino ang nakinig, kundi kung sino ang kikilos. Ang pagpapakita ng suporta ay mahalaga, subalit kung ito’y walang kalakip na agarang tugon sa legislative at executive level, mananatili lamang itong pampalubag-loob.
Kung susuriin, ang totoong pagsulong ng isang bagong Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa pag-unlad ng ekonomiya kundi sa pagkilala sa mga manggagawang araw-araw na bumubuhay dito.
Para sa akin, kapag ang manggagawa ay nananatiling nasa laylayan na dapat ay binibigyang importansya — walang tunay na progreso na mararating.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments