Kapag walang kasulatan tungkol sa interest ng utang, walang tubo na dapat bayaran
- BULGAR
- Feb 22, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 22, 2022
Dear Chief Acosta,
Kinapos ang aming pera noong nakaraang taon dahil naaksidente ang aking asawa at hindi nakapagtrabaho. Dahil dito ay kinailangan kong mangutang sa aming kapitbahay ng P5,000 upang magkaroon kami ng panggastos sa araw-araw.
Nakapagtatrabaho nang muli ang aking asawa at binayaran ko ng buo ang aming utang. Sa kasamaang-palad ay sinabihan kami ng aming nautangan na kulang ang aming bayad. Binanggit niyang wala nang libre ngayon at sinisingil kami ng interest.
Idinahilan ko sa kanya na wala naman sa usapan na ako ay magbabayad ng interest.
Kinakailanagan ko bang magbayad ng interest tulad ng sabi ng aming kapitbahay? – Gina
Dear Gina,
Malinaw ang ating batas tungkol sa pagpapataw ng interest sa mga utang. Nakasaad sa ating Batas Sibil na, “[n]o interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing” (Article 1956, New Civil Code of the Philippines). Ibig sabihin, walang interest ang puwedeng singilin maliban na lamang kung ang magkabilang partido ay nagkaroon ng kasulatan tungkol sa pagpapataw ng interest.
Sa inyong liham, nabanggit ninyong wala kayong napagkasunduan ng inyong kapitbahay hinggil sa pagbabayad ng interest. Malinaw sa batas na aming nabanggit na hindi maaaring magpataw ng interest ang nagpapautang kung walang nakasulat na kasunduan ang magkabilang partido. Dahil wala kayong naging kasunduan ng inyong kapitbahay tungkol sa pagpapataw ng interest sa inyong inutang ay hindi kayo maaaring singilin ng dagdag na bayad at ang tanging halaga na dapat ninyong bayaran ay ang inutang ninyong pera.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments