Bawal pamanahan ang huling nurse na nag-alaga
- BULGAR
- 3h
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 6, 2025

Dear Chief Acosta,
Noong 2024, nalaman ko na ako ay may cancer. Nagpatuloy ang gamutan ko hanggang sa ako ay hindi na makaalis sa ospital dahil sa tuluy-tuloy na gamutan. Sa pananatili ko sa ospital ay may nurse na talagang lubos na nag-aalaga sa akin na nagngangalang Arianne. Sa kasamaang palad ay sinabihan ako na baka hindi na rin makaya ng gamutan ang sakit ko, at baka hindi na rin tumagal ang aking buhay. Dahil dito ay gusto ko sanang gumawa ng huling habilin. Dahil wala naman akong anak, nais ko sanang pamanahan si Nurse Arianne dahil siya ang nag-aalaga sa akin simula nang ako ay nai-confine sa ospital hanggang ngayon na ako ay nasa bingit na ng kamatayan. -- Kaila
Dear Kaila,
Ayon sa Article 842 ng New Civil Code of the Philippines, ang isang tao ay maaaring sumulat ng huling habilin at ibigay ang parte o kabuuan ng kanyang ari-arian, kung walang compulsory heir o mga tagapagmana na ayon sa mandato ng batas, sa sinumang tao na kanyang maibigan.
Kung ang isang tao ay may mga compulsory heirs tulad ng anak, asawa, o kung walang anak ay may magulang pa, ang maaari lamang niyang ipamigay sa kanyang ari-arian ay parte lamang at hindi ang kabuuan nito, dahil sa mana na inireserba ng batas sa mga nasabing compulsory heirs.
Ngunit sa ating batas, may mga tao na kahit na isinulat sa huling habilin ay hindi maaaring magmana sa taong namatay. Ito ay nakasaad sa Article 1027 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 1027. The following are incapable of succeeding:
(1) The priest who heard the confession of the testator during his last illness, or the minister of the gospel who extended spiritual aid to him during the same period;
(2) The relatives of such priest or minister of the gospel within the fourth degree, the church, order, chapter, community, organization, or institution to which such priest or minister may belong;
(3) A guardian with respect to testamentary dispositions given by a ward in his favor before the final accounts of the guardianship have been approved, even if the testator should die after the approval thereof; nevertheless, any provision made by the ward in favor of the guardian when the latter is his ascendant, descendant, brother, sister, or spouse, shall be valid;
(4) Any attesting witness to the execution of a will, the spouse, parents, or children, or any one claiming under such witness, spouse, parents, or children;
(5) Any physician, surgeon, nurse, health officer or druggist who took care of the testator during his last illness;
(6) Individuals, associations and corporations not permitted by law to inherit.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, kasama ang nurse na huling nag-alaga sa taong gumawa ng habilin sa mga hindi pinapayagang magmana sa ilalim ng batas mula sa taong namatay, kahit siya pa ay pinangalanan sa huling habilin. Ang probisyong ito ng batas ay naglalayon na maingatan ang karapatan ng taong gumagawa ng huling habilin, na hindi maimpluwensyahan ang kanyang kaisipan ng sinuman sa paggawa ng kanyang huling habilin.
Sa iyong sitwasyon, sa paggawa mo ng huling habilin ay maaaring hindi kilalanin ng batas ang karapatan ni Arianne bilang iyong tagapagmana. Ito ay dahil siya ang nurse na nag-aalaga sa’yo sa iyong huling karamdaman o sakit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




