Kapag magkasundo ang pangulo at Bise-Presidente ng bansa, mas pokus ang serbisyo-publiko
ni Ka Ambo - @Bistado | November 27, 2021
TAMBALAN dapat ang pagboto sa Mayo.
Nakita natin ang pagboto ng presidente at bise-presidente galing sa magkaibang tambalan ay hindi nagbubunga ng magandang samahan sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan!
◘◘◘
HUWAG na tayong mag-throwback, tingnan na lang natin ang nangyayari sa kasalukuyang administrasyon.
Kung kapwa nagkakasundo ang presidente at bise presidente hindi ba’t mas nakapokus ang dalawang mataas na lider sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko kaysa punahin ang isa’t isa?
◘◘◘
KAYA tulad sa United States na tandem voting ang ipinatutupad, dapat sa atin ay pag-isipan na ng mga botante ang pagpili ng presidente at bise presidente na may iisang isinusulong na plataporma.
Para talagang masasabi na may pagkakaisa at solido ang pamamahala!
◘◘◘
KUNG sa pagkain puwede tayong mag-eksperimento ng iba’t ibang sangkap para magkaroon ng bagong lasa o sa pananamit ay puwedeng mag-mix and match para maiba ang porma.
Pagdating sa pagpili ng kandidato, ang ganitong paraan ay nagreresulta lang ng hindi pagkakatugma!
◘◘◘
MAY tambalan sa mga pulitiko pero tila hanggang eleksiyon lang.
Gamitan para umangat at makahakot ng suporta.
Pag-upo sa puwesto, dedmahan ulit!
◘◘◘
SAKALING maupo ang mga kandidato na galing sa magkaibang kampo, madalas pa na humahantong ang role ng bise-presidente sa tila pagiging ‘reserba’ lang.
Dito na ngayon nagsisimula ang gusot sa mismong dapat mamuno sa atin!
◘◘◘
KAYA kailangan talaga ng tandem voting dahil magkapareho ng agos ang plano para sa ikabubuti ng bansa.
Parang sa sayaw, ‘pag ang mag-partner ay pareho ang galaw, mas suwabe ang performance!
◘◘◘
D’YAN na nakalalamang ang tambalan nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at Nationalist People’s Coalition chairman Vicente “Tito” Sotto III.
Sa obserbasyon ng political analyst ay kapwa pinakahanda para sa posisyon ng presidente at bise presidente!
◘◘◘
NAPATUNAYAN ito sa katatapos lang na survey kung saan lumabas na sina Lacson at Sotto ang pinakamahigpit na kalaban ng inaasahan nang tambalan ng mga anak ng dati at kasalukuyang pangulo.
Ngayon ang hamon sa atin ay sipatin ang mga kandidato, sino ba ang talagang handa simula umpisa?





Comments