Kapag eleksiyon lang talaga may pakinabang ang mga trapo
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 19, 2021
PRESIDENTIAL CANDIDATES, PASIKLABAN SA PAGTULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG “ODETTE”—Nagpapasiklaban ngayon ang mga presidential candidates sa pagtulong sa mga kababayan nating sinalanta ng Super Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sana palagi na lang eleksiyon para ang mga presidential candidates ay naglalabas ng perang pantulong sa mga biktima ng kalamidad, period!
◘◘◘
TODO-TULONG ANG MGA TRAPO NGAYON, PERO PAGKATAPOS NG ELEKSIYON, DEDMA NA NAMAN SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD—Hindi lang presidential candidates ang nagpasiklab sa pagbibigay-tulong sa mga biktima ng Bagyong Odette, kundi pati ang mga kandidatong may tina-target ng posisyon sa national at local elections.
Talagang todo-pabida sila ngayon sa pagtulong, pero ang masaklap nga lang, pagkatapos ng eleksiyon, dedma na naman sa mga biktima ng kalamidad ang mga trapo, boom!
◘◘◘
TUWING ELEKSIYON, ANG MGA TRAPO AY NAGIGING MATULUNGIN—Sa totoo lang, noong sunud-sunod nasalanta ng bagyo, lindol, pagsabog ng mga bulkan ang bansa, at kahit sa panahon ng pandemya, lalo na nang mag-lockdown, kahit anino ng ilang trapo ay hindi nakita ng mga taumbayan.
Pero ngayon, porke nanghihingi sila ng boto para sa halalang 2022, panay post na sa social media ang mga trapo, na sila ay matulungin, mga pwe!
◘◘◘
DAPAT MAY BATAS NA INOOBLIGA ANG MGA TRAPO NA TUMULONG SA MGA BIKTIMA NG KALAMIDAD KAHIT HINDI ELEKSIYON—Sana, after election sa May 2022 ay may gumawa ng batas na inoobliga ang mga nanalo at talunang kandidato na tumulong sa mga biktima ng kalamidad, at ang sinuman sa mga nanalo na hindi tutulong ay tanggalin sa puwesto at ang mga talunan naman sa halalan na hindi rin tutulong ay pagbawalan nang kumandidato.
Kapag may ganyan nang batas, diyan na natin makikita ang mga pulitiko na nagbabayanihan sa pagtulong sa ating mga kababayan na biktima ng mga kalamidad, kasi sa ngayon, sa totoo lang kasi, karamihan sa mga trapo ay tuwing panahon lang ng eleksyon nagpapakitang-tao na tumutulong, period!





Comments