top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Kapabayaan at kapalpakan ng isa, sandamakmak ang nagdurusa

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 3, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 03, 2021



Bahagi ng health and safety protocol para sa mga biyahero ang mag-quarantine pagpasok ng bansa nang sa gayun ay mabantayan kung may mga sintomas ng COVID-19 ang mga ito at kung magpopositibo sa sakit ay agad itong matutugunan.


At sa nakalipas na holiday season, dagsa ang mga balikbayan kaya naman halos punuan ang quarantine facilities at mahigpit na binantayan ang health protocols para sa ligtas na Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon, ngunit paano kung sa kabila ng mga paghihigpit na ito ay may nakalusot pa rin?


Sa mga nakalipas na araw, laman ng balita at social media ang isang balikbayan na umano’y tumakas sa hotel quarantine para kumain sa labas at mag-party. Ang masaklap pa, kalaunan ay napag-alamang positibo ito sa Omicron variant ng COVID-19 at nakahawa sa mga kapwa dumalo sa party.


Base sa impormasyon, Disyembre 22, 2021 nang mag-check-in ang balikbayan sa Berjaya Hotel at kinabukasan, dumalo ito sa party sa Makati City. Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo Puyat, kalaunan ay umamin din ang balikbayan na hindi ito nag-quarantine. Disyembre 27, 2021 nang nagpositibo ito sa sakit, at napag-alamang positibo na rin sa COVID-19 ang mga nakasama nito sa party.


Sa ngayon, tuloy ang contact tracing ng mga awtoridad sa mga nakasalamuha ng balikbayan, gayundin, inihahanda ang reklamo laban dito.


Nakadidismaya dahil kung kailan unti-unti nang bumubuti ang sitwasyon at nakakabangon ang bansa, saka magkakaroon ng ganitong insidente. Ang mga ganitong pangyayari ang nagsasabing hindi na gobyerno ang may problema, kundi ang taumbayan.


Sa kabila ng mga paghihigpit, paalala at babala ng pamahalaan, hindi talaga mawawala ang mga pasaway at ang kinatatakutan natin ay posibleng mangyari sa mga susunod na linggo o buwan.


Kaya naman paalala sa pamahalaan, pagkakataon na rin ito upang silipin ang lahat ng hotel na nagsisilbing quarantine facilities kung nasusunod ng ang protocols.


Nakalulungkot na maraming nagdurusa dahil sa kapabayaan ng isa, kaya dapat lang na panagutin ang mga dapat managot. Isa pa, hindi kayang resolbahin ng ‘sorry’ ang abalang ginawa ninyo dahil marami ang mga naperhuwisyo.


Tulad na lang nito, balik na sa Alert Level 3 ang Metro Manila mula ngayong araw dahil sa local transmission ng Omicron variant.


Sana lang ay maagapan ito, ngunit hindi natin ito magagawa kung gobyerno lang ang kikilos.


Tulad ng palagi nating sinasabi, higit na kailangan ang kooperasyon ng taumbayan. Kaya plis lang, maging bahagi tayo ng solusyon at iwasang maging sanhi ng panibagong problema.


Bagong taon na, iwanan na natin sa 2021 ang pagiging pasaway.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page