Kandidatura for president nina Yorme, Pacman at Ping, KSP sa publiko
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 24, 2021
YORME, PACMAN AT PING, NAGMISTULANG “SALING-PUSA” SA PRESIDENTIAL ELECTION—Ang mainit na pinag-uusapan ngayon ng publiko ay ang labanang Vice-Pres.
Leni Robredo vs. former Sen. Bongbong Marcos, at kung magsa-substitute si Mayor Sara Duterte para tumakbong pangulo.
Halos nawala na sa eksena ang iba pang presidentiables na sina Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Manny Pacquiao at Sen. Ping Lacson.
Kumbaga, parang naging saling-pusa na lang sa 2022 presidential election sina Yorme, Pacman at Ping, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MGA ADVISERS NINA YORME, PACMAN AT PING, KULANG SA DISKARTE—Sa totoo lang, kulang sa diskarte ang mga advisers nina Yorme, Pacman at Ping kung paano sila mapag-uusapan ng publiko.
Tila tutulug-tulog sa pansitan ang mga advisers nina Yorme, Pacman at Ping kaya “KSP” sa publiko ang kanilang kandidatura for president.
Matagal pa naman ang campaign period, kaya’t kung nais nina Yorme, Pacman at Ping na makahabol sila sa kasikatan nina VP Leni, Marcos at Mayor Sara ay pagsisibakin nila ang kanilang mga ngangang advisers, period!
◘◘◘
KAPAG NAG-TANDEM, SINO KINA MAYOR SARA AT MARCOS ANG FOR PRESIDENT AT FOR VICE-PRESIDENT?—Nagkita sa Cebu sina Marcos at Mayor Sara at dahil d’yan, pinag-usapan sila ng publiko,
May haka-haka na magta-tandem ang dalawa, ang hindi lang alam ay kung sino ang for president at kung sino ang for vice-president, abangan!
◘◘◘
KAPAG UMATRAS SINA SEN. BATO AT BONG GO, NGAYON LANG MANGYAYARI NA ANG PARTIDO NG PANGULO AY WALANG PAMBATO SA ELEKSIYON—Sakaling mag-tandem sina Mayor Sara at Bongbong, tiyak na aatras sa laban sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Bong Go.
Kapag nangyari ‘yan, ngayon lang mangyayari na ang partido ng pangulo ng Pilipinas ay walang pambato sa pagka-pangulo at VP sa eleksiyon kasi ang partido ni Bongbong ay Partido Federal ng Pilipinas (PFP), at si Mayor Sara ay ayaw sumapi sa PDP-Laban, period!





Comments