Kalsada, sumasalamin sa uri ng pamamalakad ng gobyerno
- BULGAR
- Oct 20, 2023
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 20, 2023
Ang nakatambad na sira-sira at butas-butas na mga kalsada sa ating bansa ay sumasalamin sa uri ng pamamahala ng gobyerno.
Sa National Capital Region o Metro Manila, nakakapagpabigat ng trapiko ang puwersadong pagbagal ng mga sasakyan dahil sa masamang lagay ng ating mga lansangan.
Mayroon nga bang nangangasiwa sa pagpapagawa ng mga ito? Hindi maramdaman ng ating mga komyuter, motorista at siklista.
Noong nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Finance tungkol sa hiling na P822 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2024, tinanong si Public Works Secretary Manuel Bonoan kung ilang taon ang itinatagal ng mga kalsada. May paniniyak niyang tugon na ang aspalto ay tumatagal ng hanggang 15 taon, samantalang ang kongkretong kalsada naman ay maaaring umabot ng 25 taon, kasama na rito ang tinatawag na “preventive maintenance”.
Ganoon naman pala, eh bakit kaya tila kay daling maglubak-lubak ng ating mga kalsada tulad ng mga bahagi ng South Superhighway, South Service Road, Taft Avenue, A. Bonifacio Avenue, at iba pa.
Ang kawawa nating mga mananakay na lalong nagigipit sa mas mataas na pasahe at mga motorista na kinakapos sa mataas na presyo ng petrolyo at toll ay kailangan pang muling hamunin ng baku-bakong kalsada habang nagbibiyahe na latang-lata na sa pagod at gutom sa maghapon.
Walang puwang ang “rough road” sa ating mga daanan, lalo na sa mga kritikal na bahagi ng NCR at mga siyudad na mahalaga para makausad ang ating ekonomiya.
Nalalagay sa panganib ang ating mga motorista, siklista at mga mananakay sa gitna ng mala-buwan na kalsada sa iba’t ibang lugar. Parang nakalagay ang kanang paa natin sa hukay sa pagdaan sa mga ito.
Sa ilalim ng ating Civil Code, mananagot ang mga probinsiya, siyudad o munisipyo sa mga pagkamatay o sakuna na inaabot ng mga mamamayan dahil sa mga depektibong kalsada, kalye, tulay, pampublikong gusali at iba pang public works na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
Hindi lamang panganib sa buhay ng ating mga kababayan ang dala ng mga butas-butas na kalsada, kundi perhuwisyo rin sa mga sasakyan. Nasisira ang pang-ilalim, gulong, preno at iba pang parte nito. Mas kumukonsumo rin ito ng gasolina o krudo sa puwersadong pagbagal dahil sa lubak sa halip na tuluy-tuloy ang takbo.
Nasasayang rin ang oras ng ating mga kababayan, nahuhuli sa mga oportunidad, nakukulangan ng panahon para sa pamilya at sa sarili dahil kanilang nagugugol ang maraming oras sa piling ng mga pangit na kalsada.
Gayundin, ang mga uri ng ating kalsada ang tumatambad sa mga turista at nagpapahirap sa kanilang pag-iikot. Mayayamot sila at malulungkot dahil sa usad-pagong na daloy ng trapiko.
Hindi naman kailangan ng matinding teknolohiya at kadalubhasaan ang paggawa ng mga daan. Ito ay mas simpleng problema kumpara sa ibang mga hamon na nananawagan ng agarang solusyon.
Ang maibsan ang kalbaryo ng ating mga kababayan sa pagbaybay sa mapanganib na daan ay malaking kagaanan na maaaring kagyat na maibigay ng pamahalaan.
Sa DPWH, kumakatok kami sa inyong pintuan upang ito ay maaksyunan para na rin sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Binanggit ni Bb. Judith Sto. Domingo na sa ilalim ng Kodigo Sibil ng Pilipinas ay may pananagutan ang mga lalawigan, lunsod at munisipalidad kung may mamatay o masugatang mamamayan dahilan sa depektibong kalsada, kalye at iba pang pampublikong gusali na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Iyan ay matatagpuna sa Art. 2189 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas.
Ang nasabing artikulong iyan ay pinagbasehan ng Korte Suprema sa pamamagitan ng noon ay Punong Mahistrado Roberto Concepcion, ng desisyon nito noong 1968 sa kasong City of Manila v. Teotico. Si G. Teotico ay nahulog sa isang walang takip na manhole sa kanto ng Old Luneta at P. Burgos, Lunsod ng Maynila na naging dahilan ng pagkabasag ng kaniyang salamin sa mata na pinasuk…