- BULGAR
Kalaswaan ng mag-dyowang Vice at Ion, pinanindigan kaya ‘di nag-sorry
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 30, 2023
PONDONG MAY RESIBO, NAGAGAWAN PA NG PARAANG KURAKUTIN, LALO NA ANG CONFI FUNDS NA GINAGASTA NANG WALANG RESIBO -- Nagdesisyon na ang Kongreso na hindi bigyan ng confidential funds ang mga ahensyang walang mandato sa law enforcement at national security, at sana gayundin ang ipairal ng Senado.
Sa totoo lang, ‘yung mga pondo na kapag ginasta ay may kaakibat na resibo ay nagagawan pa ng paraang kurakutin, lalo na ang “confi funds” na walang resibo kapag ginasta.
Kaya dapat talagang huwag nang bigyan ng confidential funds ang mga ahensya na ang namumuno ay mga trapo na nagpupumilit na sila ay magka-confi funds, kasi kaduda-duda talagang may masama silang balak gawin sa pera ng bayan, period!
◘◘◘
UTOS NA ‘STOP’ NI P-BBM DINEDMA NG MGA KUMPANYANG MAY RECLAMATION PROJECT SA MANILA BAY -- Ibinulgar ni Senate Minority Leader, Sen. Koko Pimentel na sa kabila na may utos na si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na itigil na ang reclamation sa Manila Bay, ay hindi pa rin tumigil ang mga ito.
Masyado naman yatang makapangyarihan ang mga kumpanyang may reclamation project sa Manila Bay, kasi presidente na ang nag-utos na stop, eh dinedma lang, tuloy pa rin ang reclamation nila sa Manila Bay, tsk!
◘◘◘
PINANINDIGAN NG MAG-DYOWANG VICE GANDA AT ION PEREZ ANG GINAWA NILANG KALASWAAN KAYA HINDI NAG-SORRY SA MTRCB AT PUBLIKO --Ibinasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang motion for reconsideration na hirit ng “Its Showtime” ng ABS-CBN, na ang ibig sabihin ay itatakda na ng MTRCB ang 12-day suspension ng noontime show dahil sa kalaswaang ginawa ng mag-dyowang Vice Ganda at Ion Perez sa harap ng mga bata at sa telebisyon, nang kainin nila ang icing ng cake gamit ang kanilang mga daliri na sinamahan pa nila ng patirik-tirik ng mata.
Kung sana ay nag-sorry na lang sina Vice at Ion sa MTRCB at sa publiko, baka napagbigyan pa ng ahensya ang hirit nilang mosyon, kaya lang hindi nila ito ginawa, na tila pinanindigan nila ang kalaswaang kanilang ginawa, tsk!
◘◘◘
RESIGN NA PANAWAGAN NG PUBLIKO KAY MTRCB CHAIRMAN LALA SOTTO, HINDI PAG-INHIBIT -- Ayon kay MTRCB Chairman Lala Sotto ay para raw hindi na makulayan ang mga aksyon ng MTRCB ay mag-i-inhibit na lang daw siya sa mga kasong may kaugnayan sa mga noontime shows.
Hay naku, hindi pag-i-inhibit ang panawagan sa kanya ng publiko kundi resign, dahil kahit pa sabihing tama ang 12 days suspension na ipinataw nila sa “It’s Showtime” ay hindi pa rin maiaalis na mabahiran ito ng kulay, kasi nga ang tatay niyang si former Sen. Tito Sotto ay co-host ng “E.A.T” na kakumpetensya ng “It’s Showtime” sa noontime shows, period!