Kalabang mayor, hinamon ng debate… SAM KAY ISKO: PARA MALAMAN NATIN KUNG SINO TALAGA ANG WALANG LAMAN ANG UTAK
- BULGAR
- 6 days ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 15, 2025
Habang papalapit ang 2025 midterm elections, mas nagiging mainit ang laban ng mga mayoralty candidates ng Manila na sina dating Manila Mayor Isko Moreno at TV host-Tutok to Win Partylist Rep. Sam Verzosa.
Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery ng writer-entrepreneur na si Wilson Lee Flores, diretsahan ang mga binitawang pahayag ng businessman boyfriend ni Rhian Ramos na si Sam “Dear SV” Verzosa patungkol sa kalaban sa pagka-mayor sa Maynila na si Isko.
Sa huling survey kasing ginanap, tila dumidikit na sa ranking si SV kay Isko habang napag-iiwanan naman ang incumbent mayor na si Mayor Honey Lacuna.
Kaya naman, nakakarating na rin daw kay Sam ang mga simpleng banat sa kanya ni Isko na siyempre pa ay ikinasama ng loob ng BF ni Rhian dahil para sa kanya, isang araw lang naman ang eleksiyon at ang mahalaga ay ‘yung pagtupad nila sa mga ipinangako nila sa mga botante ng Maynila habang sila ay nangangampanya.
At dahil tila umiinit na nga ang iringan nila, tinanong namin si SV kung papayag ba siyang makipagdebate kay Mayor Isko kung sakaling hilingin ito ng mga taga-Maynila.
Diretsong sagot ng independent candidate, “Kung magkakaroon man ng debate, handa po tayong lumaban at sumagot. Sabi ko nga po, kailangang magkaroon ng debate, kailangang magkaroon ng talakayan para malaman ng mga tao, ano ba talaga ‘yung plano ng bawat isa.
“Sobrang importante ‘yan, makilala ng mga botante ang bawat kandidato, ang kanilang mga plano. At bukod du’n sa salita, maramdaman din nila kami.
“Kasi, maraming magagaling magsalita, maraming matatamis ang dila, sasabihin ‘yung gusto n’yo lang marinig. Pero nu’ng nabigyan sila ng pagkakataon, hindi naman nagawa.
“Kaya napakaimportante na magkaroon ng debate para malaman ng mga tao kung sino ba talaga ang nagsasabi nang totoo, nang tapat at naaayon sa kanyang puso at may magandang plano sa mga Manilenyo,” dire-diretsong pahayag ni SV, na kung noon ay mahiyain pa at hindi masyadong masalita, ngayon ay napakahaba nang sumagot sa mga tanong.
Dagdag pa nga nito, “Kaya sana po, magkaroon na ng debate. At gusto ko lang pong sabihin, hinding-hindi po ako aatras d’yan, anytime, anywhere, haharapin ko po si Isko sa isang debate.”
Ano’ng gusto niyang sabihin kapag nakaharap niya nang personal si Isko?
Sagot ni Sam, “Sana po, ‘wag kayong umatras sa isang matalinong pagdedebate. Hindi ho ito personalan, ito ho’y para sa kinabukasan ng mga Manilenyo. Ano’ng plano mo, ano’ng kaya mong gawin, ano’ng kaibahan mo ngayon du’n sa dati, at masagot na po lahat ng mga issues sa Maynila.
“Ang request ko lang po sa kanya, eh, sana, ‘wag kang umurong sa debate at harapin natin ‘yung mga Manilenyo para po malaman kung sino talaga ‘yung karapat-dapat at may kakayanan talaga na magdala ng pag-asa at pagbabago sa Maynila.”
Samantala, sinagot din ni SV ang banat sa kanya ni Isko na diumano ay ‘walang laman ang utak’ niya at buti pa raw ang pandesal ay may laman.
Sabi ni Sam Verzosa, “Grabe naman ‘yun. Mayor Isko, ‘wag naman po sanang ganu’n. Ako po’y nagsikap sa aking pag-aaral. Ewan ko sa ating lahat, ako yata ‘yung naging valedictorian at UP graduate. Battle of the Brains winner po ako nang ilang beses. Civil engineer. Twenty yrs. na po akong nagnenegosyo.
“Hindi naman po sa pagmamayabang at pagtataas ng bangko, pero sabi ko nga, sana magkaroon ng debate para malaman natin kung sino talaga ‘yung walang laman ‘yung (sabay turo sa utak),” ani Sam na sinundan na lang ng tawa.
So, wait na lang natin kung tatanggapin ni dating Yorme Isko ang hamon na ‘yan ni Dear SV, ha?!
Ihanda na ang cookie ni Rhian Ramos, este ang popcorn. Hehehe!
Comentarios