top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Kakaibang pagpapakita ng panginoon sa unang linggo ng 2021

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 9, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | January 9, 2021



Kabi-kabila ang mga ulat ngayon kaugnay sa pagkamatay ng 23-anyos na PAL Stewardess na si Christine Angelica Dacera.


Hindi pa halos nakalilimutan ang insidente ng pagpatay sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio, heto na naman ang isa pang nakalulungkot na balita ng karahasan.


Ito ba ang sasalubong sa atin sa mga unang araw ng 2021? At kung gaano kabilis kumalat ang balita tungkol sa kahina-hinalang kamatayan ng dalaga, gayundin kabilis magsalita at magpasya ang mga ahensiyang may kinalaman sa kaso.


Mabilis na nagsabing “case solved” ang kapulisan. Ang Department of Justice naman ay sa halip na maghain ng kaso ay pinawalan ang mga “suspect” at nagtakda na lang ng petsa para sa naturang Preliminary Investigation, ngayong ika-13 ng Enero 2021. May nakikita ba tayong kakaiba sa mga pangyayaring ito?


Ika-6 ng Enero 2020 ay ang matagal nang itinakdang petsa ng Pista ng Epipaniya o Pagpapakita ng Panginoon. Ngunit, nailipat ito sa unang linggo pagkatapos ng Bagong Taon. Gayunman, kakaiba ang nagdaang Miyerkules, kakaibang pagpapakita ng Panginoon.


Dalawa lamang ang misa natin noong araw na iyon. At kapwa misa para sa mga yumao, ika-10 ng umaga, Misa para sa ika-40 araw mula kamatayan ni Ginang Esther Vibal, na nagsimula at may-ari ng Vibal Publishing at alas-6:00 ng gabi, misa para sa ika-9 na araw mula kamatayan ng National Artist na si Amelia Lapeña-Bonifacio. Kapwa hindi pangkaraniwang babae ang pumanaw na at pinararangalan at ipinagdarasal ng kanilang mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Ngunit, umaga pa lamang ay nakatanggap na tayo ng tawag na pumanaw na sa ganap na alas-8:41 ng umaga si Brig. General Danilo Lim, MMDA Chairman. Dali-dali nating tinawagan ang pamilya ni Danny upang magpaabot ng pakikiramay at kung kakayanin ay nais mag-alay ng misa o pagbabasbas sa kanyang burol sa lalong madaling panahon. Nakausap natin ang isang kaibigan na ihatid tayo sa Heritage Memorial Park bandang alas-8:00 ng gabi upang makapagbigay-galang sa yumaong kaibigan.


Naaalala pa natin ang mga unang araw at linggo ng nagdaang taon. Iba’t ibang pangyayari na tila walang anumang kinalaman sa isa’t isa ang sunud-sunod na naganap.

May dalawang uri ng panaginip — maganda at hindi maganda. Walang tawag sa unang uri, basta’t magandang panaginip lamang. May tawag sa pangalawa — bangungot!


Sunud-sunod na magandang panaginip ang naging buhay ng tatlong namisahan natin noong Miyerkules, Pista ng Epipaniya. Matapang at masigasig managinip si Ginang Esther Vibal. Sa kanyang mahabang buhay ng 90-anyos, siya ay walang tigil mangarap at managinip.


Gayundin, si Propesora Amelia Lapeña-Bonifacio. Walang tigil itong magsulat, magturo, gumabay sa ibang manunulat at may pagmamahal sa teatro hanggang sa tuluyan na itong humina at pumanaw sa edad na 90.


Samantala, noong nakulong kaming magkasama ni Gen. Danny Lim sa Kampo Crame noong ika-29 ng Nobyembre 2007, napakayaman at napakaganda ng aming pagbabahaginan ng mga kuwento, lalo na ng aming mga panaginip at pangarap para sa bayan.


Hindi ba’t naging epipaniya rin ang mga buhay ng tatlong nauna na sa atin? Kung pagsisikapan nating hanapin ang liwanag at ang buhay ng Diyos na ipinagkaloob na sa ating lahat, iluluwal ang walang bilang na panaginip at pangarap na siyang pagkukunan din ng inspirasyon ng iba.


Nakilala natin sina Ginang Esther Vibal at Propesora Amelia Bonifacio. Ngunit, higit nating nakilala at nakasama sa maraming pagkakataon ang kakaibang sundalo na taglay ang kakaiba at mayamang panaginip at pangarap para kay Inang Bayan at sa kanyang mga anak.


Paalam at salamat sa lahat General Danilo Delapuz Lim.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page