top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Kakaiba ang pagdiriwang ng kapaskuhan ngayong taon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 19, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 19, 2020


Pumasok na tayo sa “ber months”. Sikat na sikat na naman ang mga kanta ni Jose Mari Chan. May nakikita na tayong mga nagbebenta ng parol—may mga Christmas lights na rin.


Paniguradong may mga nagbabalak na ring magtayo ng kani-kanilang Christmas tree. May mga kaibigan nga tayong nagsasabing dapat magtayo na ng mga Christmas tress para makaramdam ng kasiyahan—bagay na kailangan nating lahat sa panahong ito.


Pero siguradong kakaiba ang pagdiriwang ng kapaskuhan ngayong taon. Hindi pa nawawala ang COVID-19. Hindi natin alam kung papayagan ng gobyerno ang mga mall na magpapasok ng maraming tao para mamili tulad ng mga nakaraang taon.


Paniguradong mapipilitan na lang bumili online ang marami para sa kanilang mga reregaluhan. Hindi pa rin normal ang ekonomiya na siguradong malabo pang bumalik sa ayos ngayong taon. Nakalulungkot mang isipin, marami ang mahihirapang magsaya dahil sa kani-kanyang sitwasyon.


Papayagan din ba ng gobyerno ang mga pamilya na magtipun-tipon sa Bisperas ng Pasko?


Sa ngayon ay bawal ang pagtitipon ng hihigit sa sampung katao. Hindi ba’t, maging ang mga sementeryo ay pansamantala munang isasara ngayong undas dahil iniiwasan ang mass gathering?


Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, nalampasan na raw natin ang krisis ng COVID-19. Hindi nating alam kung paano niya masasabi ‘yan gayung libo-libo pa rin ang nagpopositibo araw-araw.


At wala pa rin ang bakuna na siyang sagot sa pandemyang ito. May kilalang kumpanya nga na itinigil muna ang kanilang clinical trial nang may lumabas na “neurologic symptoms” sa isang binigyan ng ginawang bakuna. Hindi talaga madali ang lumikha ng bakuna para sa bagong sakit. Taon ang pinag-uusapan pero ayon sa Russia, may bakuna na raw sila na handang subukan na umano sa Pilipinas. Handa na ba kayo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page