top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kailangang matigil na ang kidnapping at karahasan sa bansa

BULGAR
Sep 16, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 16, 2022


“Hindi tayo galit sa POGO industry, galit lang tayo sa mga naghahari-hariang mga kriminal sa ating bansa.”


Ito ang ilang araw ko nang nararamdaman dahil sa karahasan at sunud-sunod na kidnapping sa ating bansa na ilang araw na ring naglalabasan sa media na halos ikasira na ng imahe ng Philippine National Police (PNP).


Ilang linggo na ang nakararaan nang padalhan ko ng sulat ang pamunuan ng PNP dahil nais kong ipaliwanag nila kung bakit sunud-sunod ang nagaganap na kidnapping sa bansa.


Grabe na kasi ang pangambang nararansan ng ating mga kababayan, partikular ang mga magulang para sa kani-kanilang anak lalo pa at may mga natatagpuan ng walang buhay ilang araw matapos mawala dahil hinihinalang dinukot ng mga masasamang loob.


Ito rin ang dahilan kaya noong nakaraang Martes lamang ay naghain ako ng Proposed Resolution No. 207 na naglalayong pangunahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa napaulat na umano’y talamak na kidnapping sa bansa.


Lumalagablab na kasi ang balita hinggil sa sunud-sunod na kidnapping at nitong huli ay lumalabas na ang pagkawala ng ilang indibidwal na umano’y mula sa Filipino-Chinese communities at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na pawang mga Chinese workers.


Lalo pa at ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry (PCCCI) ay naglabas din ng ulat hinggil sa sunud-sunod na kidnapping umabot na umano sa 56 ang naging biktima sa loob lamang ng 10 araw na karaniwan ay naganap sa southern cities ng Metro Manila tulad ng Pasay, Parañaque, Makati at Taguig.


Kahit noong bago pa man naglabas ng ulat ang PCCCI ay hindi na maampat ang balita hinggil sa nagaganap na kidnapping nitong nagdaang mga buwan ng Hulyo at Agosto kung saan isang babae pa ang natagpuang patay matapos ang ilang araw na pagkawala.

Samantala, may kumakalat na videos sa social media na nagpapakita ng actual footage ng kidnapping at pag-torture sa ilang biktima at isa sa mga video ay naganap na sa kasagsagan ng liwanag ng araw sa kahabaan ng Skyway Paranaque.


Kaya pala kahit pinipiga natin ang pamunuan ng PNP na magpaliwanag ay tila pigil na pigil sila sa sitwasyon at naninindigan sila sa inilabas nilang ulat na simula Enero ng kasalukuyang taon ay nas 27 lamang ang insidente ng kidnapping na taliwas sa ulat ng PCCCI.


Sa ilang araw na nating pagsubaybay sa kasong ito ay unti-unti na nating napagdudugtung-dugtong na hindi pala simple itong nairereport na kidnapping dahil may ilang masasamang loob lang na may ibang motibo na nasa likod nito.


Halimbawang may isang miyembro ng POGO na malakas magpasok ng pera sa kalaban sa negosyo ay inaalok umano ng kabilang panig na sumama sa kanila, ngunit kapag hindi pumapayag ay kanilang dinudukot o kapag mas minalas pa ay tuluyan nang pinapaslang.


Pare-pareho ang estilo ng mga grupong hinihinalang mga dayuhan na siyang responsable sa walang tigil na gantihan dahil sa kasakiman sa pera ay hindi natitigil ang kidnapping kahit sa kasagsagan ng sikat ng araw ay hindi sila natatakot dahil may mga ipinagmamalaki silang padrino sa bansa.


Nililiwanag ko lamang na kaya ako nagsumite ng Proposed Resolution ay upang maimbestigahan ang kasong ito dahil hanggang sa ngayon ay nananatiling mga impormasyon lamang ang lahat kaya hiningi ko na ang tulong ng Senado.


Kailangan kasing matukoy ang nasa likod ng krimen na ito upang matuldukan na sa lalong madaling panahon dahil maraming magulang ang nangangamba dahil sa maling akala na ‘yun pala ay kagagawan ng mga Chinese na nag-aaway lang sa pera.


Kahapon ay sinimulan nang dinggin ang ating Resolution kaya nagbigay tayo ng opening statements para mas maliwanagan pa ang komiteng magsasagawa ng imbestigasyon upang tuluyan ng mawakasan ang kidnapping sa bansa.


Gusto ko lang kasing ipaalala na NO ONE IS ABOVE THE LAW, baka kasi nakakalimutan ito ng mga masasamang loob na gustong pairalin ang kanilang tapang at binabalewala na ang batas sa Pilipinas. Naniniwala ako na handang-handa ang maykapangyarihan para labanan ang mga ito at lahat kayo ay makakalaboso.


Hindi natin maitatanggi na ang industriya ng POGO ay malaking tulong sa local business, sa tourism industry at maging sa ating ekonomiya ngunit kailangan natin itong imbestigahan upang hindi madamay ang mga wala namang ginagawang masama at naghahanapbuhay lamang nang patas at marangal.


May kasabihan na sa bawat gubat ay may ahas at ang punto ng pagdinig na ito ay habulin natin ang ahas na ito at papanagutin sa batas, hindi tayo galit POGO industry pero galit tayo sa mga nagsisiga-sigaan, gumagawa ng krimen at walang pakundangan sa ating bansa. Kilala ang Pilipinas kung hospitality ang pag-uusapan, BUT MAKE NO MISTAKE – hindi puwedeng pamugaran ng kriminal ang ating bansa. Puputulin na natin ang sungay ng mga nag-aakalang mas mataas pa sila sa batas - Pilipino man o dayuhan.


Kaya hinahamon ko ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at lahat ng alagad ng batas na ipakikatang karapat-dapat sila sa kanilang uniporme at tiwala ng taumbayan—sugpuin ang mga kriminal na ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page