top of page

Kailangan ng OFWs ang ayuda, hindi lang bilang bayani, kundi bilang mamamayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 26
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 26, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa kabila ng walang katiyakin ng magiging kabuhayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Middle East mas pinili pa rin nilang umuwi ng Pilipinas at makasama na ang kanilang pamilya. 


Kaya mainam na nagbigay ng tulong ang pamahalaan sa pamamagitan ng financial at medical support sa 31 OFWs sa unang batch na ni-repatriate mula sa Gitnang Silangan na karamihan ay galing sa Israel na apektado ng sigalot laban sa Iran. 


Bawat isa sa mga manggagawang Pinoy ay nakatanggap ng P150,000 mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at karagdagang P10,000 mula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa halip na limitahan ang tulong sa transportasyon pabalik ng bansa, sinigurado ng gobyerno na may sapat na suporta para sa kanilang pagbangon. 


Kabilang sa mga ni-repatriate ay buntis, may cancer at matandang may karamdaman. Agad silang isinailalim sa medikal na pagsusuri at tinulungan ng Department of Health (DOH), na nangakong sasagutin ang lahat ng gastusing medikal, habang magbibigay ng libreng psychosocial support para sa mga nakaranas ng trauma. Kasama rin ang team mula sa National Center for Mental Health upang tutukan ang kanilang emotional recovery. 


Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang repatriation ay hindi basta pag-uwi lamang, ito ay isang “full support mission” para sa mga itinuturing na makabagong bayani ng bansa, kung saan kasama nila sa pagbabalik ang ilang opisyal mula sa Philippine Embassy na tumulong sa mga dokumento at ligtas na pagtawid nila sa Israel-Jordan border. 


Bukod sa tulong pinansyal at medikal, binigyan din ng TESDA training vouchers ang mga OFW para sa kanilang pagbangon at paghahanap ng kabuhayan. Gayundin, tutulungan sila ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga livelihood program.

Sa ngayon ay pinaghahandaan na ang susunod na batch ng 50 OFWs na inaasahang darating sa Hunyo 26 o 27. 


Marahil, sa panahong ang mga OFW ang pinakanangangailangan, ang ayudang pinansyal, medikal at buong suporta ay napakalaking bagay dahil ito’y pagkilala sa kanilang mga sakripisyo. Sa likod ng bawat padala, pagod at hirap sa ibang bansa, na kung minsa’y nagiging mitsa pa ng kanilang buhay, nararapat lamang na sila ay mainit na salubungin sa kanilang pagbabalik dahil tunay ngang maituturing silang mga bayani ng ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page