Kailan nawawalan ng karapatan ang anak sa ari-arian ng magulang?
- BULGAR
- Aug 26, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 26, 2021
Dear Chief Acosta,
Ikinasal ako noong 2007 at noong 2010 ay binigyan ako ng kapatid ko ng sasakyan na ginawa ko namang taxi. Namatay ang aking asawa noong nakaraang buwan at kami ay may tatlong anak. Nais kong ipagbili ang nasabing sasakyan, ngunit tutol ang aking mga anak sapagkat sila diumano ay may karapatan dito bilang mga tagapagmana ng kanilang ina. Tama ba iyon? – Luis
Dear Luis,
Ang mga batas na sasaklaw patungkol sa inyong katanungan ay ang Executive Order (E.O.) No. 209, s. 1987, o mas kilala bilang Family Code of the Philippines, at ang Republic Act No. 386, o mas kilala bilang Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 92 ng E.O. No. 209, s. 1987 na:
“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:
Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property… xxx”
Samantala, nakasaad sa Article 776 ng Republic Act No. 386 na:
“Article 776. The inheritance includes all the property, rights and obligations of a person which are not extinguished by his death.”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang sasakyang ibinigay sa inyo ng inyong kapatid ay eksklusibo ninyong pagmamay-ari at hindi ito bahagi ng community property ninyong mag-asawa, liban lamang kung malinaw na inihayag ng inyong kapatid na ito ay kabilang sa community property ninyo. Sa pagpanaw ng inyong asawa, ang inyong mga anak ay may karapatan lamang sa mga ari-arian na kanyang pagmamay-aari, maging ang kanyang bahagi sa mga ari-ariang kabilang sa inyong community property.
Samakatwid, dahil ang nasabing sasakyan ay eksklusibo ninyong pagmamay-aari, ang inyong mga anak, bilang inyong mga tagapagmana ay mayroon lamang inchoate right (hindi ganap o buong karapatan) dito habang kayo ay nabubuhay pa, at ito ay maaari ninyong ipagbili kung inyong nanaisin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments