top of page

Kailan magiging kaaya-aya para sa mga turista ang Pilipinas?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 59 minutes ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hayaan ninyong kuwentuhan ko muna kayo ng aking isang linggong bakasyon sa bansang South Korea kamakailan. 


Nakamamangha ang kaunlarang tinatamasa ng bansang ito at ng mga naninirahan dito. Mula sa Incheon International Airport, hanggang sa aking pagsakay sa airport limousine bus patungo sa aking accommodation sa Myeongdong ay nakagigilalas na ang mga tanawin. 


Isang kilalang tourist at shopping district sa Seoul ang Myeongdong. Pagbaba ko ng limousine bus ay naglakad na lamang ako patungo sa aking hotel. Self check-in ang aking ginawa, hindi tulad ng mga hotel sa atin dito sa Pilipinas, na hihingan ka pa ng identification card at papipirmahin ng ilang beses.


Doon, tiwala ang kusang ibinibigay sa mga turistang tulad ko, na binigyan na kaagad sa pamamagitan ng email ng passcode para sa aking hotel room. Kung anuman ang aking kailangan sa hotel ay malaya ko ring nakukuha mula sa mga itinalagang pagkukunan, na CCTV camera lamang ang saksi. Sa hotel check-out naman ay kailangan lamang iwan ang pinto ng hotel room bilang signal na lumisan na ako at hindi na babalik sa hotel.


Wala nang inspeksiyon na ginawa sa aking kwarto. Walang kahirap-hirap ang proseso, sagisag ng buong pagtitiwala sa mga mamamayan.


Kuwento pa sa akin ng isang grupo ng mga Kapampangan na nagtatrabaho bilang kawani ng ilang embahada roon sa Seoul, na hindi raw nawawala ang mga pitaka o cellphone ng mga nalalasing at nakakatulog sa kalsada malapit sa mga bar, kung saan rin malapit ang kanilang pinapasukan—salamin ng kaayusan ng seguridad ng lugar. 


Hindi halos ako gumamit ng cash o Korean won sa aking pamamasyal sa Seoul, sapagkat kahit mga streetfood sa Myeongdong ay tumatanggap ng credit card. Lalo na ang mga taxi. Ilang beses lamang ako gumamit ng cash sa pagkain-kain. Samantalang isang beses lamang akong nagbayad ng cash sa transportasyon, at iyun ay noong sumakay ako ng limousine bus papunta sa Incheon Airport mula sa aking hotel sapagkat may hawak pa akong Korean won na gusto ko na ring gastusin. Pagbigay ko ng perang papel sa driver ng bus ay kusang lumabas sa aking tabihan ang sukli para aking kunin. 


Napakasarap ng mga pagkain, lalo na ang Galbitang, na kahalintulad ng bulalo rito sa atin. Ang baka ay hindi masebo, at napakalambot ng pagkakaluto. Siyempre ay kumain rin ako ng bibimbap at ramen ng maraming beses. Samantala, ang paborito ko namang mga dessert ay ang kanilang soft ice cream at ang milk cream cake, na lasang lasang sariwang gatas at kay linamnam. Kakaiba rin ang sarap ng kanilang kape, pati na ang ginger lemon tea na gawa nila doon. Ibang iba ang lasa, na talagan namang hahanap-hanapin. 

Sa pakikipag-usap natin sa ating mga nakakasalamuhang kababayan na doon na naninirahan ay naikuwento nila ang kanilang buhay pati na ang mga Pilipinong nakikipagsapalaran roon. Kwento nila, maraming Pilipino ang nagtutungo sa Jeju Island, kung saan hindi kailangan ng visa, 'di tulad sa Seoul. Ang pangkaraniwang buwanang kita raw doon ay nasa P80,000. At kung masipag-sipag ka ay maaari pa itong pumalo ng P120,000 to P130,000. Libre rin ang pananghalian ng mga trabahador at empleyado. Mapapa-sana all ka talaga. 


Samantala, kung may anak ka naman ay libre rin ang pananghalian sa eskuwela, at kung ipinasok mo pa sa center para ipa-tutor ay libre rin ang dinner o gabihan. Sumatotal, kung ikaw ay magulang doon ay hindi mo na kailangang gumising ng maaga para ipagluto ng baong pananghalian ang iyong anak. Puwede naman pa lang ganoon. Bakit nga ba hindi ganito rito sa atin, para lalong pumasok sa kukote ng mga estudyante ang kanilang leksiyon sa araw-araw. 


Sa Seoul ay hindi ko kailangang mag-alala na may mandurukot sa akin, o may hahablot ng aking gamit. Napakaligtas ng lugar, na habang ninanamnam ko ang kariktan at kaayusan ng Seoul ay napapatanong na lamang ako: Kailan kaya magiging ganito sa Pilipinas?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page