top of page
Anjo Yllana vs TVJ - Ogie Diaz Inteview - YT.jpg

KAI, NAPILI PARA KUMANTA SA TAGALOG VERSION NG THEME SONG NG MOANA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | July 8, 2026



Kai Montinola sa theme song ng Moana - IG Kai Montinola

Photo: IG Kai Montinola



Kinuha ng Disney ang aktres at mang-aawit na si Kai Montinola upang kantahin ang Hangganan Ko, ang Tagalog version ng iconic theme song na How Far I’ll Go, para sa live-action adaptation ng Moana.


Ipinalabas ang kanta sa mga digital streaming platforms bago ang debut ng pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas ngayong Hulyo 8.


Sinabi ni Kai na ang pagkanta ng Hangganan Ko ay may espesyal na kahulugan para sa kanya dahil matagal na niyang hinahangaan ang kuwento ni Moana tungkol sa paghahanap ng lakas ng loob sa kabila ng kawalan ng katiyakan.


“Ang paborito kong bahagi ng paglalakbay ni Moana ay ang ‘di n’ya pag-iisip na perpekto s’ya. Nagduda s’ya nu’ng una, pero pinili n’yang harapin ang takot na ‘yun at du’n s’ya nakatadhana na gumawa ng mas malalaking bagay,” aniya.


Ayon kay Allie Benedicto, marketing director ng Emerging Southeast Asia ng The Walt Disney Company, layunin ng kolaborasyon na mas ilapit ang mensahe ng pelikula sa mga Pilipinong manonood sa pamamagitan ng isang lokal na bersiyon ng isa sa mga pinakapaboritong kanta sa Disney.


“Matagal nang tumatak sa mga manonood na Pilipino ang Moana dahil sa mga temang pampamilya, katapangan at koneksiyon sa karagatan. Bilang isang bansang may malalim na pagmamahal sa musika, tuwang-tuwa kaming makipagtulungan kay Kai Montinola sa Tagalog version ng How Far I’ll Go,” sabi ni Allie.


Dagdag pa niya, “Si Kai ay sumasagisag sa mga kabataang Pilipino ngayon na puno ng tapang ngunit puno ng pangarap, kaya naman s’ya ang perpektong kumanta ng

Hangganan Ko para sa henerasyon ngayon ng mga tagahanga at manonood ng pelikulang Disney.”


Bilang bahagi ng mga lokal na promosyon ng pelikula, kakanta nang live si Kai sa SM Mall of Asia (MOA) ngayong Hulyo 8 at sa SM Seaside City Cebu sa Hulyo 12.



Inaasahan ding maglalabas ang Disney ng music video ngayong buwan.

Orihinal na isinulat ni Lin-Manuel Miranda at inawit ni Auliʻi Cravalho sa animated film noong 2016, ang How Far I'll Go ay nanalo ng Grammy Award para sa Best Song Written for Visual Media at nakakuha ng mga nominasyon sa Academy Awards at Golden Globe Awards.


Ang live-action na Moana ay pinagbibidahan ni Catherine Lagaʻaia bilang Moana kasama si Dwayne Johnson, na gumaganap bilang Maui. 





Misis ni Bossing, excited na rin…

MMFF MOVIE NINA VIC AT VICE, SURE NA RAW NA NO. 1 SA BOX OFFICE


NASASABIK na si Pauleen Luna sa tambalan ng kanyang mister na si Bossing Vic Sotto at ni Vice Ganda.


Opisyal na kasing nagsama ang mga pinakamalalaking komedyante para sa isang pelikulang pinamagatang The Greatest Showdown (TGS).


Ang pinakahihintay na proyekto ay nakatakdang ipalabas sa mga sinehan bilang entry para sa 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF), na ikinatuwa ng marami. 

Si Jun Robles Lana ang direktor ng napakalaking pelikula ng taon.


Ibinahagi ni Pauleen ang kanyang matinding pananabik sa Instagram (IG), kung saan binanggit niya kung gaano siya ka-surprise na makitang magkasama ang dalawang box-office stars. 


Ibinahagi ng celebrity mom ang isang sulyap sa opisyal na anunsiyo ng proyekto. Sa unang larawan, makikita ang kanyang asawang si Vic kasama ang box-office

phenomenon na si Meme Vice na parehong nakangiti.


Sa isa pang larawan, makikitang hawak ni Vic ang kamay ni Vice Ganda sa entablado habang nagsasalita sa kanyang mikropono, at pinapanood sila ng mga naghihiyawang tagahanga mula sa balkonahe sa itaas ng mall.

Visual pa lang ay sapat na para magpabaliw sa mga tagahanga. 


“Nakakagulat pa ring makita ang 2-in-1 na frame na ito! @praybeytbenjamin,” masiglang pahayag ni Pauleen sa kanyang caption.


Tiyak, bongga ang bardagulang ito nina Vice at Bossing.

Sa loob ng maraming taon, laging nagna-No. 1 ang parehong pelikula nina Bossing Vic at Vice, kaya marami talagang excited na magsama sila sa isang pelikula.


Idineklara agad ng mga fans na ang The Greatest Showdown ang mangunguna sa darating na MMFF 2026.


Ang tanong, matatapos na ba ang noontime war sa dalawang komedyante, at sino ang mangunguna sa kanila sa billing?

Uhmmm... Nagtatanong lang po!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page