Kahit si Nora ang naging leading lady… TIRSO, KUMANTA KUNG BAKIT MAS CLOSE KAY VILMA
- BULGAR

- Jul 12
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | July 12, 2025
Photo: Vilma Santos at Tirso Cruz III - IG
All-out ang suporta ni Tirso Cruz III at misis niyang si Lyn Ynchausti sa Star for All Seasons at nagbabalik na governor ng Batangas na si Vilma Santos-Recto.
Present ang couple sa inaugural speech ni Governor Vi kasama ang kanilang unica hija na si Djanin Cruz.
After Gov. Vi’s speech, dumiretso rin sina Kuya Pipo at Ate Lyn sa opisina ng kanilang BFF, kaya nagkaroon kami ng chance na makatsikahan si Kuya Pipo.
Hindi lingid sa showbiz industry na siya ang kalabtim ng pumanaw na National Artist at Superstar na si Nora Aunor pero mas malalim ang naging relasyon niya kay Governor Vi bilang kaibigan.
Pahayag ni Kuya Pipo, “Well, in another plane ‘ika nga, kami ni Guy, uh, na-concentrate sa pelikula, eh. ‘Di ba ‘yung friendship namin sa pelikula.
“‘Yung kay Vi, gumawa rin kami ng maraming pelikula. Pero aside from that, nu’ng araw, nu’ng meron siyang Vilma, I was part of the show. Every Friday, nagko-co-host kami sa kanya. And then, mas nasolidify ‘yung friendship namin because of the opportunity that was given na rin na napunta sa politics.
“And nu’ng napunta sa politics, nagkataon naman, nagkita kami. Inimbita n’ya ako. Sabi niya, samahan mo naman ako sa campaign.
“Eh, ako naman, hindi naman ibang tao ito. Si Vi is a very close friend, at saka kahit nu’ng panahon ng Guy and Pip, Vi and Bot, may ginawa rin kaming ibang pelikula.
“So, naging magkaibigan na kami noon pa. And our friendship went on and it grew and it grew and it grew, lalo nga kay Sec. Ralph (Recto). So, the friendship transcended. Tapos, nagtuluy-tuloy and heto na.”
Sa kabila nito, happy na sina Kuya Pipo at Ate Lyn bilang major supporters ni Governor
Vi at hindi nag-a-aspire maging pulitiko sa Batangas.
“Parang feeling namin ni Lyn na basta kami, nandito lang. Kapag kailangan mo kami, we’re willing to help.
“And ‘yun nga, naniniwala naman kami kay Vi. We believe in her. Nakita naman na natin ang performance n’ya talaga, hindi ba?
“Sabi nga nila, isa sa mga bagay na kapag pinag-uusapan ‘yung being a politician ni Ate Vi, si Ate Vi ‘yung wala kang duming ibabato, eh. Na she served very, very clean.
“Well, ‘yung sa industriya, ‘yung kung paano s’ya nagmahal ng mga fans niya at kung paano n’ya minahal ang industriya, ganoon din ang nangyari sa kanya nu’ng tumakbo siya sa pulitika.
“Parang sa kanya, part pa rin ng paglilingkod niya on a bigger scale. ‘Yung pelikula, pelikula lang ‘yun. Etong napasok s’ya sa pulitika, bansa na, saka mamamayang Pilipino na ang ipinaglalaban mo, saka tinutulungan mo. Saka mas malaking responsibilidad ang napuntahan n’ya,” lahad ni Kuya Pipo.
Naklaro naman sa amin ang pag-upo niya bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Wala raw kinalaman si Governor Vi sa pagkaka-appoint sa kanya sa FDCP.
Paliwanag niya, “Nagkataon lang na I was nominated to that position. And naisip ko naman na, ‘Why not?’ I’m trying kung ano ang maitutulong ko nang konti on my own way. Masubukan ko naman na maglingkod under a different light. Sa industriya pa rin pero behind the camera na, ‘di ba?”
Kapag inalok daw siyang muli ng isang government post ay pag-iisipan niya.
Sey niya, “Depende sa position, ‘di ba? Baka mamaya hindi ko naman kaya ‘yung position, ba’t naman ako magdudunung-dunungan kung hindi ko naman kakayanin? Pero kung makakapaglingkod ako on my own small way, I’ll be more than willing din to help.”
We asked him kung type ba niyang maging presidente ng Actor’s Guild.
Okay naman daw sa kanya. Naging vice-president na rin naman si Kuya Pipo ng Actor’s Guild sa termino ng yumaong Rudy Fernandez as president.
Samantala, agad na nanawagan si Ate Lyn sa publiko sa kanyang Facebook (FB) page na may gumawa ng fake account ni Kuya Pipo.
Ipinost ni Ate Lyn ang fake account ng kanyang mister.
Caption ni Ate Lyn, “May gumaya po ng account ni Pip Silvano Cruz! Take note, ito po ang FAKE ACCOUNT!!!!”
Kaya beware po sa mga pekeng FB account na ‘to. Baka gamitin ito sa panghihingi ng pera gaya ng iba pang fake accounts ng ibang celebrities.










Comments