Kahit retired na sa boxing… PACQUIAO, PINAGKAKAGULUHAN PA RIN NG MGA FANS
ni Beth Gelena @Bulgary Files | April 26, 2023

Nanood ng laban nina Gervonta "Tank" Davis at Ryan Garcia ang eight-division world champion na si Manny Pacquiao sa T-Mobile Arena.
Ang nakakatuwa, hindi pa rin nawawala ang karisma ng ating Pambansang Kamao pagdating sa mga boxing fans.
Pinagkaguluhan ng mga manonood ang boxer-senator nang makita nila ang pagdating nito sa nasabing arena. Patunay lang na hanggang ngayon ay sikat pa rin ito sa boxing world.
Matatandaang nagretiro na si Pacman sa boxing noong September, 2021 nang matalo siya sa laban kay Yordenis Ugas na isang Cuban boxer at ginanap din ang kanilang laban sa T-Mobile Arena noong August 21, 2021.
Spotted din sa audience ang mga boxing icons na sina Sugar Ray Leonard at Mike Tyson.
Na-miss din ng mga international sports media ang sikat na boksingero kaya agad nilang pinalibutan ito para interbyuhin. Nagpaunlak naman ang Pambansang Kamao.
Ang pagsuporta ni Pacman sa laban nina Davis at Garcia ang unang pagkakataon ng kanyang pagbalik sa T-Mobile Arena matapos siyang talunin ng Cuban boxer noong 2021.
At nagtapos nga ang laban nang magwagi si Davis laban kay Garcia. Hiningan ng press people si Pacman ng kanyang opinyon tungkol sa pagkatalo ni Garcia.
Aniya, "It's a good fight, but maybe more development for Ryan Garcia, he is still young. He should strengthen his body, also learn more techniques, that's what he needs. He has the skill of boxing, but he needs to improve on it."
Nakadaupang-palad din ni Pacman ang American television host na si Mario Lopez at pati na rin ang Hollywood actor na si Mark Wahlberg na tagahanga ni Pacman.
Samantala, nagpahiwatig din ang Pambansang Kamao sa pinaplanong exhibition boxing match na posibleng ganapin ngayong July, 2023.





Comments