Kahit nilalait, wagi pa rin… HERLENE, MISS GRAND TOURISM-PHILS.
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 15, 2023

Tapos na ang coronation night ng Miss Grand-Philippines at nanalo ang kandidata mula sa Cagayan de Oro na si Nikki de Moura. Siya ang ipadadala para makipag-compete sa Miss Grand International na gaganapin sa Vietnam.
Kahit papaano ay hindi naman nasayang ang effort ni Herlene Budol sa kanyang pagsali sa Miss Grand-Philippines 2023. Hindi man niya nasungkit ang korona, may maipagmamalaki pa rin siyang special award, ang Miss Grand Tourism-Philippines.
At least, hindi na siya lalaitin ng mga bashers at tatawaging “Thank You Girl”. Sa kabila ng mga pinagdaanan niyang hirap sa pagsali sa iba’t ibang beauty pageants, hindi siya sumuko at pinanghinaan ng loob.
Pursigido si Herlene na abutin ang kanyang pangarap. Kahit na pinagtatawanan at hinahamak ang pagkatao niya ay hindi siya nagpapaapekto.
Halos hindi nga makapaniwala ang maraming netizens na kinuhang bida si Herlene sa seryeng Magandang Dilag ng GMA-7.
Pero ang mga panlalait na kanyang natatanggap ay nagsilbing hamon upang ipakita niya sa lahat na may ibubuga rin siya sa pag-arte. Gustong patunayan ni Herlene na hindi lang pagpapatawa ang kaya niyang gawin.
Kaya pati ang mga veteran stars na kasama niya sa Magandang Dilag ay nagsasabing malaki ang potensiyal ni Herlene na maging isang ganap na aktres.





Comments