top of page

Kahit may ceasefire... Israel-Lebanon war, tuloy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Jenny Rose Albason @World News | April 21, 2026



Malaking usok matapos ang pag-atake ng Israeli air strike sa Beirut at sa southern suburbs AFP

Photo: AFP



Inatasan ang Israeli military na gumamit ng “full force” o buong puwersa laban sa Lebanon sakaling malagay sa panganib ang kanilang mga tropa, sa kabila ng umiiral na ceasefire o tigil-putukan.


Ayon kay Defense Minister Israel Katz, kasama si Prime Minister Benjamin Netanyahu, ipinag-utos nila sa Israeli Defense Forces na kumilos gamit ang buong puwersa—kabilang ang ground at air units—upang protektahan ang kanilang mga sundalo na nasa Lebanon mula sa anumang banta.


Inatasan din ang militar na buwagin ang mga tinatawag na “booby-trapped” na mga gusali at kalsada na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang mga tropa. Dagdag pa rito, inutusan ang army na gibain ang mga bahay malapit sa border na umano’y ginagamit bilang outposts ng Hezbollah at itinuturing na banta sa mga komunidad sa Israel.


Ang naturang pahayag ay ginawa ng Defense Minister matapos mapaslang ang isang sundalong Israeli nang pumasok ito sa isang “booby-trapped” na gusali noong Biyernes sa southern Lebanon, ilang araw matapos magkabisa ang sampung araw na ceasefire sa pagitan ng Israel at Lebanon.





Wanted sa child exploitation sa US

P1.4M REWARD VS. PUGANTENG PINOY



INANUNSYO ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) na magbibigay ito ng pabuya na $25,000 o katumbas ng humigit-kumulang P1.4 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pag-aresto sa puganteng Pilipino na si Austin Jan Sy Yatco, na nahaharap sa kasong child exploitation.


Inisyu ang federal arrest warrant laban kay Yatco noong Enero 23 ng kasalukuyang taon ng United States District Court for the Eastern District of New York.


Ayon sa pahayag ng FBI Dallas Field Office, sangkot umano si Yatco sa online exploitation ng mga menor-de-edad sa pagitan ng 2019 at 2021 bilang bahagi ng isang network na gumagamit ng iba’t ibang gaming at online platforms.


Kabilang sa mga kaso na kinakaharap niya ang sabwatan sa pag-produce, pagtanggap, at pamamahagi ng child sexual abuse material.


Iniugnay rin si Yatco sa isang online group na tinatawag na “Greegy’s Cult,” na ang mga miyembro ay inaakusahang nambibiktima ng mga vulnerable na menor-de-edad at pinipilit silang gumawa ng malalaswang materyal na kalaunan ay ibinabahagi sa grupo.


Ayon pa sa FBI, dating naninirahan si Yatco sa Plano, Texas, at pinaniniwalaang nakatakas na palabas ng Estados Unidos at posibleng nagtatago ngayon sa Pilipinas.

Tiniyak naman ng FBI na patuloy nilang hahabulin si Yatco upang siya ay maaresto at mapanagot sa batas, upang mabigyan ng hustisya ang mga biktimang menor-de-edad.





TATAY, MINASAKER ANG 7 ANAK


NASAWI ang pitong batang magkakapatid at isa pang menor-de-edad matapos silang pagbabarilin sa Shreveport, Louisiana sa Amerika. 


Ang salarin ay ang mismong ama ng mga magkakapatid na biktima.

Ayon sa ulat, sinabi ng pulisya na natagpuan ang mga katawan ng magkakapatid sa loob ng kanilang bahay.


Nasawi rin ang isa pang menor-de-edad matapos barilin habang tinatangkang tumakas.

Tinangka rin umano ng salarin na tumakas matapos ang krimen gamit ang tinangay na sasakyan, ngunit hinabol siya ng mga otoridad at napatay.


Sugatan naman sa pamamaril ang misis ng salarin at isa pang babae, at patuloy silang ginagamot sa ospital.


Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang motibo sa krimen, na itinuturing na isang uri ng domestic violence.


Sa isang ulat ng Reuters, sinabing nasa edad isa hanggang 14 ang mga nasawing biktima.


Sa isang news conference, sinabi ni Shreveport Police Department spokesperson Christopher Bordelon na naganap ang krimen noong umaga ng Linggo.


"This is a tragic situation, maybe the worst tragic situation we've ever had," ayon kay Shreveport Mayor Tom Arceneaux.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page