Kahit maging VP si P-Duterte, puwede pa rin siyang makasuhan at makulong
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 20, 2021
AYAW DAW MAGING PANGULO, PERO KAHIT WALA PANG CAMPAIGN PERIOD ‘NANGANGAMPANYA’ NA SI MAYOR SARA—Noong una, aayaw-ayaw pa si presidential daughter, Mayor Sara Duterte-Carpio na kumandidatong pangulo.
Pero ngayon, matapos niyang sabihing open na siyang kumandidatong pangulo, kahit wala pang campaign period ay kung saan-saan na siya nagpupunta, ikinakampanya ang sarili sa mga kilalang personalidad sa pulitika, period!
◘◘◘
GIMIK NI P-DUTERTE, GINAGAYA NG ANAK—Ang estilong ipinapakita ni Mayor Sara sa publiko ay naging gimik din ng kanyang erpat noong 2015, na kesyo ayaw niyang kumandidatong pangulo, magreretiro na siya sa pulitika kasi matanda na, at nang matanong ng media kung bakit siya nag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa, ang palusot niya ay ikinakampanya lang niya ang mabuting dulot ng pederalismo.
Ito na siste, nang kumandidatong pangulo at manalo ay “nasarapan sa power”, kaya tatakbo raw siyang vice-president sa halalang 2022, boom!
◘◘◘
MAYOR SARA AT P-DUTERTE, HINDI MAGTA-TANDEM PERO KAPWA KAKANDIDATO SA PAGKA-PANGULO AT VP KAYA ANG RESULTA, “DUTERTE-DUTERTE” PA RIN—Ayon kay Mayor Sara, ayaw daw niyang ka-tandem sa pagka-VP ang tatay niya, kaya’t kung tatakbo sa pagka-VP si P-Duterte, ayon sa Hugpong ng Pagbabago, local party ng mayora ay tatakbo na lang daw itong mag-isa, walang ka-tandem, at sa parte naman ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kung ayaw ng presidential daughter na ka-tandem ang kanyang ama, puwede raw tumakbo sa pagka-VP ang pangulo sa ilalim ng PDP-Laban, nang wala ring tandem.
Masyado namang inuunggoy ng mga kampo nina Mayor Sara at P-Duterte ang publiko kasi kapag ganyan ang nangyari, ang resulta niyan ay “Duterte-Duterte” pa rin, buwisit!
◘◘◘
KAHIT PALA MAGING VP SI P-DUTERTE AY PUWEDE PA RIN SIYANG MAKASUHAN AT MAKULONG—Sabi ni P-Duterte, kaya raw gusto niyang kumandidatong VP ay para magkaroon siya ng immunity sa mga kasong isasampa sa kanya ng grupo nina ex-Sen. Antonio Trillanes IV, ex-Associate Justice Antonio Carpio at iba pang sektor ng lipunan.
Ang masaklap, sabi ng mga law experts at maging ni Justice Sec. Menardo Guevarra ay hindi sakop ng immunity ang vice-president, tanging pangulo lang ang may immunity sa mga kaso.
Kaya kung sakaling palaring manalo sa pagka-VP si P-Duterte, at sa mga isasampang kaso sa kanya ay mapatunayang may pagkakasala siya, asahan nang may matatala na naman sa kasaysayan na may VP ng Pilipinas ang ikinalaboso sa selda, abangan!





Comments