top of page
Lakam Chiu at Kim Chiu - IG.jpg

Kahit mag-ex na… JOSHUA AT JULIA, PINOPROTEKTAHAN PA RIN ANG ISA'T ISA

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 21, 2026



SHEET - JOSHUA AT JULIA, PINOPROTEKTAHAN PA RIN ANG ISA'T ISA_IG _starcinema

Photo: IG _starcinema



Successful ang ginanap na Puregold Hakot Relay 8km Run sa Ayala Vermosa Sports Hub, Imus, Cavite nitong Sabado nang hapon kung saan dumalo ang 7,000 runners.


At siyempre, hindi puwedeng wala ang presidente ng Puregold Price Club, Inc. na si Vincent Co, na mister ng aktres na si Bea Alonzo.


Bukod sa mga nahakot na P3,500 each bag of groceries ay may mga appliances at saku-sakong bigas din para sa mga nanalo. Kaya kung ilang miyembro ng magkakaibigan o magkakaanak ang sumali ay siguradong paldo sila pag-uwi. Sabi nga sa slogan ng nasabing supermarket chain, #AlwaysPanalo.


Ikalawang taon na ngayong 2026 ang Hakot Relay na sinimulan noong Nobyembre 22, ginanap sa Burnham Green Park sa Quirino Grandstand o Luneta, Manila, kung saan dumalo ang 5,000 para sa 3-kilometer relay na binubuo ng tatlong katao sa bawat team.

Ginanap noon ang ‘Sunset Concert’ sa pangunguna ng KAIA, G22, Brent Manalo with Mika Salamanca na tinawag na BreKa love team.


Ayon kay Chris Cahilig, target nila ang buong Pilipinas para sa Hakot Relay para mas masaya at sa taong ito ay tatlong venue na, nauna ang Iloilo City para sa Visayas, Imus, Cavite for Southern Luzon at sa darating na Disyembre 5 para sa Metro Manila residents na wala pang binanggit na venue.


Sabi ni Chris, “Hoping next year, mas madaragdagan ang venue na pagdadausan ng Hakot Relay. We are eyeing the Mindanao region and of course other parts of Luzon din.”


Ang saya-saya ngayon ni Chris dahil bukod sa successful ang event niya ay looking forward siya sa pagbubukas ng Puregold CinePanalo Film Festival (PCPFF) 2026 na simula sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 4 ay mapapanood sa Gateway Cineplex 18, TriNoma, Fairview Terraces, Ayala Malls Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, at Market! Market!


Naikuwento rin ni Chris na parami nang parami ang gustong sumali sa PCPFF kaya masaya siya dahil ibig sabihin ay marami na ang naniniwala sa CinePanalo kumpara sa naunang dalawang taon na puro bashing ang inabot niya dahil nga bago lang ito at walang sumusuporta pero ngayong 3rd year na, maraming premyadong filmmakers na ang nagpadala ng interest at malalaking artista rin ang kasama sa 7 films na nabigyan ng P5 million grant.


Brainchild kasi ni Chris ang PCPFF at nagustuhan ito ng pamunuan ng Puregold dahil gusto nilang tulungan ang movie industry at bilang festival director ay nabuo at umingay na ito katuwang si Ms. Ivy Piedad, senior marketing manager ng Puregold Price Club.


Samantala, may pangarap si Chris na sana, mapanood din sa PCPFF ang idolo niyang si Governor Vilma Santos-Recto.


“Vilmanian ako, I love Lorna Tolentino at Sharon Cuneta, sila ‘yung mga pinapanood ko nu’ng bata ako kaya nag-iipon talaga ako para mapanood ko sila bukod pa sa mga nirerentahan kong betamax at pambili ng komiks,” masayang kuwento ni Chris kung paano siya nagkaroon ng interest sa pelikula.





ANO nga ba ang dating ng titulo ng pelikulang Always Yours, Never Mine (AYNM) para kina Joshua Garcia at Julia Barretto?


“Aray ko! Hahaha!” sagot ni Josh habang nakatingin sa ex-girlfriend.

Sabi rin ng aktres, “When you say pa lang, ang sakit na.”


Sundot ng aktor, “Aray ko! Siguro, ilagay na lang natin na ‘di ko kasi nakikita sa amin ni Julia (sabay make face). Mas nakikita ko sa character nina Apollo and Luna, ‘di ba?”

Paliwanag ni Julia, “S’yempre, kani-kanyang interpretation ‘yan, ‘di ba? Always Yours, Never Mine, parang your willingness to give your heart to somebody else who can’t give theirs back to you.


“Ang sakit ding isipin ‘yun but it can be a different interpretation for everyone, pero to me is like always yours, you have me always, I’m always yours, I’m dedicated to you but how come I can’t have this one thing that I’m so committed to, I’m so willingly to just want you, to love you, to care for you, why can’t you be mine?” 


“Bakit kaya?” tanong ng aktor sa ka-love team.

“Bakit kaya? Because people change their seasons, they’re protecting their responsibilities,” sey ng aktres.


“Because we’re protecting the friendship?” nakangiting sabi nito habang nakatingin sa aktres.


“Parang pume-personal na ‘to, Joshua! Oh, yes, we’re protecting naman,” natawang sabi ni Julia.


Ang ganda ng chemistry ng JoshLia, kaya naman ang daming nag-aabang ng mga projects nila kahit na hiwalay na sila dahil sila raw ang love team na inalagaan nila. Kahit wala na, hindi napabayaan ang supporters.


Bukod sa JoshLia ay kasama rin sina Bianca Umali, Joy Barcoma, Karen Reyes, Bob Jbeili at Migs Almendras mula sa direksiyon ni Cathy Garcia-Sampana.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page