top of page
Carlos Yulo at Chloe San Jose - FTWBA YT.jpg

Kahit mabigat, obligasyon daw niya… SNOOKY, CAREGIVER NG TIYAHING MAY DEMENTIA

Writer: BULGAR
BULGAR
23 hours ago
2 min read

ni Vinia VIvar @Frankly | November 16, 2026



Snooky Serna - IG

Photo: Snooky Serna - IG



Ibinahagi ni Snooky Serna ang kanyang personal na karanasan sa pag-aalaga sa kanyang Tita Eden (kapatid ng kanyang yumaong ina na si Mila Ocampo) na kasalukuyang may dementia.


Sa grand press conference ng pelikulang 40 Days, kung saan kabilang siya sa lead cast, inamin ng aktres na malalim ang naging koneksiyon niya sa kuwento ng pelikula dahil sa sitwasyong pinagdaraanan niya sa totoong buhay.


Ang pelikulang idinirehe ni Louie Ignacio ay umiikot sa pagpanaw ng isang matriarch na may dementia played by Perla Bautista.


Sa kuwento, si Snooky naman ang gumaganap bilang caretaker ni Lola Ganda, ang karakter ni Perla.


Ayon sa aktres, naging relatable sa kanya ang kanyang karakter dahil kasalukuyan niyang inaalagaan ang kanyang Tita Eden na mayroon ding dementia. Aminado si Snooky na hindi madaling maging caregiver ng isang taong may ganitong kondisyon.

“I’ll be very honest and transparent, nakakahiyang sabihin na sometimes, you feel na parang it’s burdening, eh. It’s really a heavy load to carry,” pagtatapat niya.


Ganunpaman, patuloy siyang nananalangin na bigyan siya ng lakas upang magampanan ang responsibilidad at obligasyong nakaatang sa kanya bilang tagapag-alaga ng kanyang tiyahin.


Aniya, habang ginagawa niya ang 40 Days, madalas niyang makita ang kanyang Tita Eden sa karakter ni Perla. Para sa aktres, maaaring nagsisilbi rin itong paalala mula sa Diyos na tama ang kanyang ginagawa sa pag-aalaga sa taong naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay.


“Kasi minsan, kinukuwestiyon ko rin, bakit of all people, ako ‘yung na-assign mag-alaga sa kanya though ako ‘yung inalagaan n’ya sa lahat ng mga pamangkin n’ya, dapat lang talaga na ako ‘yung umako.


“Pero knowing who I am as a person na mahina ako, ‘di ako capable, bakit sa ‘kin nauwi? So I have all these questions,” pahayag niya.


Pagkukuwento pa ng aktres, ang kanyang Tita Eden ang nag-alaga sa kanya mula nang siya ay ipinanganak. At kahit ngayong may karamdaman na ito, nananatili pa rin itong isa sa mga taong nagbibigay sa kanya ng lakas at moral support.


“When she’s lucid, nakakausap ko s’ya nang matino. Naaalala pa rin n’ya ako na ako si Snooky. Minsan, nagkukuwento pa rin ako ng mga sama ng loob ko sa kanya. S’ya pa rin ‘yung nagho-hold ng hand ko,” pagbabahagi niya.


At the end of the day, itinuturing pa rin ni Snooky na isang blessing ang bawat araw na nakakasama niya ang kanyang tiyahin. Nagpapasalamat din siya sa pagkakataong masuklian ang pagmamahal at pag-aaruga na ibinigay nito sa kanya noong siya ay bata pa.


Samantala, mapapanood na sa mga sinehan simula December 9 ang 40 Days, na produced ng LVD Management Corp.


Bukod kina Snooky at Perla, tampok din sa pelikula sina Dina Bonnevie, Lotlot de Leon, Lloyd Samartino, Diego Gutierrez, at Elizabeth Oropesa.


Kasama rin sa star-studded cast ang mga aspiring stars ng LVD na sina Jayson David, Franchezca Albo, Damian Efergan, at Yvonne Asher.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page