Kahit kabit lang ang anak… JERIC, AMINADONG 'DI KAYANG PIGILAN SI AJ KAY ALJUR

ni Julie Bonifacio - @Winner | March 25, 2022

Ramdam ang sakit sa puso ni Jeric Raval sa pag-amin na nasasaktan siya kapag tinatawag na "kabit" ang kanyang anak na si AJ Raval sa social media.
Patuloy kasi ang relasyon ni AJ kay Aljur Abrenica na technically ay kasal pa rin sa estranged wife na si Kyle Padilla.
“Masakit siyempre,” emosyonal na pahayag ni Jeric. “Siyempre, inalagaan ko nang maayos ang anak ko, tapos, ganoon lang. Nasasaktan din ako. Hindi naman natin maiaalis sa kanila ‘yun. ‘Pag naririnig ko ang mga ganu'n, pasok na lang dito (kanang tenga), labas na d’yan (kaliwang tenga). Buti nga, wala akong social media, eh. Wala akong Facebook. Wala akong lahat. Ni Instagram, wala ako ng mga ganyan.”
Feeling ni Jeric ay wala rin siya sa posisyon para tanungin ang anak sa estado ng kasal ni Aljur at kung mapapakasalan ba nito o hindi si AJ.
“Uh… parang wala akong personal na… para tanungin pa ang mga bagay na ganoon sa kanya. So, siguro, darating din doon sa punto na 'yun na… tatanungin ko siya (Aljur) roon.”
Hindi raw siya nakikialam sa love life ni AJ. Knows ni Jeric kung hanggang saan lang ang saklaw niya pagdating sa love life ng kanyang anak.
“Kahit bawalan natin ‘yan, pagtalikod mo, ‘yun ulit. Eh, ganu'n din naman ako noong araw, eh, ‘di ba? Ipinagkaiba lang, lalaki ako. So, siyempre, ang anak ko, babae, mas pinoprotektahan ko.”
Tiwala raw si Jeric sa mga desisyon ni AJ sa buhay. Lumaki raw kasi si AJ na may disiplina.
“Lumaki naman ‘yun sa… pinalaki nang maayos ng misis ko, si Holiday. Although, hindi ‘yun talaga ang biological mother niya. Pinalaki naman niya nang maayos ‘yung bata.”
With regards kay Aljur, wala naman daw masamang tinapay sa kanya ang boyfriend ni AJ.
“Basta nasa ayos lang lahat. Nagkausap naman na kami niyan. Sabi ko, tinanong ko lang naman sa kanya, eh, ‘Ikaw ba’y hiwalay?’ ‘Opo,’ ‘Ikaw ba’y… ano ba’ng plano mo sa anak ko?’ ‘Yung tipikal na tinanong ng isang ama. Ang sabi naman niya ay nagmamahalan sila. Eh, ‘di magaling, 'ika ko. Hahaha!”
Ibang usapan din siyempre kapag nabalitaan niyang sinaktan si AJ ng kahit na sinong boyfriend nito.
“Aba, mawawala ang pagiging mabait ko. Hahaha! Alam mo, wala namang magulang na gustong sapitin ‘yung ganoon sa anak niya. Siyempre, bilang ama, obligasyon kong protektahan ang anak ko. Siyempre, tao lang tayo, baka samain. Hahaha! Eh, ano naman ang silbi ng pagiging action star natin?” diin niya.
Inamin din ni Jeric na hindi niya pangarap na maging artista si AJ.
“Actually, ang pangarap ko d’yan, maging lawyer. Nagulat nga ako sa anak kong ‘yan, matagal ko na ‘yang kasa-kasama sa taping. Taping ko ng Ang Probinsyano, taping ko ng We Will Survive, The Good Son, kasa-kasama ko ‘yan lagi, eh. Nagulat ako, biglang isang araw, nandoon na sa Viva. Hindi naman nagpaalam sa akin ‘yan na 'Pupunta ako ng Viva.'
“Hindi ko siya ipinu-push na mag-artista dati. Ni hindi nga nakakuha ng suporta sa akin ‘yan sa pag-aartista. Sabi ko nga, ‘Huwag kang mag-artista, mag-aral ka.’
"Hindi naman ako galit sa kanya. Ano kami niyan, close kami. Lumaki sa akin ‘yan. Natutulog ‘yan, katabi ko lagi ‘yan, eh. Two days ago, galing kami ng Zambales, nag-camping kami ru'n, five nights kami sa Zambales,” lahad ni Jeric.
Sa laki ng kinikita ngayon ni AJ sa showbiz, wala pa raw ibinigay na regalo sa kanya ang anak. Pero si Jeric, ayaw namang sabihin kung ano ‘yung ibinigay niyang regalo kay AJ.
“Hindi na. Huwag na nating banggitin. Hindi ko naman hinihintay ‘yun. Kung bigyan niya ako, maraming salamat. Ako kasi, ‘yung mga anak ko, may trabaho ‘yun. Hindi ko naman sila inobligang 'Bigyan mo ako nito, pahingi nito, pahingi ng ganyan.' Kasi may trabaho rin naman ako.”
Up to now, wala pa raw siyang napapanood na pelikula ni AJ. Hindi naman daw sa ayaw niyang panoorin or ikinahihiya niya, kaya lang, mas nawiwili raw siya sa panonood ng zombie-series na The Walking Dead sa Netflix.
Nakausap namin si Jeric sa special screening ng advocacy film na The Buy Bust Queen produced by Pinoyflix at sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa direksiyon ni JR Olinares.
Ang Pinoyflix ay isang online platform which features true-to-life content in the form of films, series, documentary, online talk show and entertainment.
Present sa ginanap na special screening si PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva, iba pang PDEA high-ranking officials, Direk JP at mga artista ng The Buy Bust Queen na sina Phoebe Walker, Christian Vasquez and Jeric.
“Sakit na ‘yan (drugs) ng bansa natin,” pahayag ni Jeric sa special screening ng The Buy Bust Queen last Wednesday. “It’s a good thing nagkaroon tayo ng mga ahensiya na kung saan sinusugpo ang talamak na droga. Well, hopefully, sana, mabawasan man lang nang malaki. Although, hindi naman matatapos, mabawasan man lang ng 85 porsiyento, eh, Malaki na ‘yun.”
Shinare rin ni Jeric ang opinion niya tungkol sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng ilang celebrities.
“Hindi ako naniniwala doon sa ano, eh, temptation. ‘Yung ikaw ay naimpluwensiyahan? Hindi totoo ‘yun. Gusto mo talaga kaya mo sinubukan. Eh, ako, ang dami kong kaibigan na gumagamit dati, kahit noong nag-aaral pa ako, pero hindi naman ako naimpluwensiyahan sa ganyan. Ni sigarilyo, hindi ko gusto, eh, dahil ayaw ko. Eh, ‘yung alak, matanda na ako nu’ng matikman ko. Beinte-siyete na ako nu’ng matikman ko ang alak. Tapos, ‘yung mga nagturo sa akin uminom, patay na lahat.”
Hangad ng anti-drug advocacy film na The Buy Bust Queen na ma-break ang stereotype na paniniwala tungkol sa PDEA and flip the scales of gender equality.
Traditionally, male-dominated, pero sa true lang daw, sa drug law enforcement agency na ‘to ay welcome na welcome ang mga babaeng nais maging kabahagi ng kanilang ahensiya.





Comments