top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Kahit ano’ng buwan, dapat nag-iingat sa sunog

BULGAR
Aug 20, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 20, 2021


Nitong nagdaang mga linggo ay kapansin-pansin ang sunud-sunod na insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ang pinakahuli ay ang pagkatupok ng pabrika sa Valenzuela City na ikinasawi ng security guard at naglagay sa grabeng kalagayan ng isa pa.


Ngunit isa sa pinakahuling insidente ng sunog na umagaw sa atensiyon ng marami ay ang naganap na pagsabog sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig kamakailan na kailangang tutukang mabuti ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang hindi na muling maulit pa.


Pansamantalang sinuspinde ang isinasagawang konstruksiyon sa BGC dahil sa gas leak explosion na naglagay sa matinding pagkasugat ng isa sa mga namamahala sa naturang construction site na idineklara namang ligtas na sa tiyak na kamatayan.


Ayon sa imbestigasyon ng BFP-Taguig, ang naturang pagsabog na nauwi sa malaking sunog ay nagsimula bandang alas-7:30 ng gabi noong Agosto 11 sa isang itinatayong gusali sa panulukan ng 20th at 21st Drive ng nabanggit na lugar.


Idineklarang kontrolado na ang naturang sunog bandang alas-9:30 ng gabi matapos na matupok ang bahagi ng itinatayong gusali ng MJ Fort Construction matapos na sumaklolo ang may 73 fire trucks at pitong ambulansiya.


Nakalulungkot isipin na ang lalaking nagtamo ng third degree burns sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan at kasalukuyang nagpapagaling sa St. Lukes Medical Center sa BGC ay siya pa mismo ang on-duty project safety officer na tulad din ng naganap na sunog sa Valenzuela City.


Sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP ay lumalabas na construction worker ang aksidenteng tinamaan ng matigas na bagay ang nakainstalang gas pipe na nagresulta sa malakas na pagsabog bago tuluyang naglagablab ang bahagi ng itinatayong gusali.


Mabuti na nga lamang at mabilis na naagapan ng mga rumespondeng bumbero at hindi na nagdamay pa ng ilang ari-arian dahil napapaligiran ng malalaking gusali at iba pang establisimyento ang naturang lugar.


Isang malaking wake-up call ang pangyayaring ito sa BGC na nasundan pa ng sunog sa Valenzuela City na marahil ay panahon na para mas itaas pa natin ang kamalayan hinggil sa pag-iingat sa sunog lalo pa at sunud-sunod na naman ang mga insidente na tumutupok sa maraming ari-arian.


Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 115-A ay idineklarang Fire Prevention Month o Burn Prevention Month ang buwan ng Marso dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ganitong panahon.


Sa panahon ding ito ay abalang-abala ang BFP sa paggising sa kamalayan ng ating mga kababayan upang paalalahanan na dapat mag-ingat sa sunog na epektibo naman dahil sa mga itinuturo nilang pag-iingat kung paano makaiiwas sa sunog.


Meron pang theme ang BFP na “Matuto Ka! Sunog, Iwasan Na” at kaakibat nito ang mga panuntunang kanilang inilabas para maging gabay ng ating mga kababayan kung paano mag-ingat sa sunog.


Huwag umanong iwan ang nakasaksak na plantsa, gayundin ang nilulutong pagkain at siguruhing nakalayo sa mga gamit na mabilis lumagablab, regular na palitan ng battery ang smoke alarm, huwag iwan ang nakasinding kandila, huwag magtago ng gasolina sa bahay at huwag magsaksak ng napakaraming appliances sa extension cord.


Huwag ilagay sa ilalim ng carpet ang electrical cord at huwag ding gumamit ng mga depektibo ng appliances tulad ng electric fan, bawal din umanong gumamit ng coins sa pagpihit o pagpapalit ng sirang fuse at siguruhing regular na naiinspeksiyon ng lisensiyadong electrician ang inyong bahay o gusali.


Ngunit tila nakaligtaang ipaalala na dapat regular ding mainspeksiyon kung tama o hindi na maayos ang gas piping installation na siyang bagong sistema sa pagtatayo ng mga gusali, lalo na sa mga condominium, partikular sa maraming bahagi ng BGC.


Isa rin sa napakadelikado ay ang mga pasilidad ng langis at gas dahil sa maselang pag-iingat sa petrochemicals na kung hindi regular na maiinspeksiyon ay maaaring kumitil ng maraming buhay kung mauuwi sa sunog.


Hindi naman masama na alalahanin natin ang Fire Prevention Month dahil malaking tulong ito, ngunit tila mas makabubuti kung araw-araw ay pinaaalalahanan natin ang ating mga kababayan upang makaiwas sa sunog dahil lamang sa nakaligtaang pag-iingat.


Mas maganda kung araw-araw nating ikinakampanya ang theme ng BFP na “Matuto Ka! Sunog, Iwasan Na” kahit hindi Fire Prevention Month dahil wala namang pinipiling panahon ang sunog kahit umuulan pa!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page