Kahit 1 yr. nang hiwalay, Charlie… MADIR NG ANAK, UMAMING MAHAL PA SI CARLO
- BULGAR
- Jan 17, 2023
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 17, 2023

“I feel offended!” bungad ni Trina Candaza, ex-live-in partner ni Carlo Aquino, sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa YouTube channel nito na in-upload nu'ng Sabado nang gabi.
Ang tinutukoy ni Trina na napahiya siya ay, “'Yung headline po na hindi ko raw ipinapahiram si Mithi at siya ang bumubuhay sa aming dalawa. That’s not true, Mama Ogs.”
Tinabla ni Trina ang pahayag ni Carlo sa nakaraan niyang presscon na matagal na niyang hindi nakikita ang anak na si Enola Mithi gayung nagpo-provide naman siya sa mag-ina.
Hindi ito puwedeng itanggi ng aktor dahil naka-quote siya na nagpo-provide naman siya tapos ayaw ipakita ang anak nila simula pa noong Nobyembre, 2022.
Dahil dito, nag-react ang mga netizens dahil bakit itinatago ni Trina ang anak nila ni Carlo gayung siya ang ama.
Ayon kay Trina sa sinabing nagpo-provide si Carlo sa kanila ng anak na si Mithi, “Kasi I also pay half of our expenses, so para sa akin, dalawa kaming nagpo-provide. Puwede naman niyang sabihing nagsusustento siya kay Mithi kasi totoo ‘yun.
“Pero para sabihing dalawa kaming binubuhay niya (sabay pakita sa video ng quote interview ni Carlo) ay nakaka-offend sa part ko, Mama Ogs, kasi nagtatrabaho rin ako."
“Kay Carlo kasi, ‘yung sustento niya, he can earn it in a day, pero ako, ‘yung pino-provide ko na half, ilang trabaho ‘yung katapat para ma-provide ko ‘yung one month,” emosyonal na paliwanag ng ina ng anak ni Carlo.
Dagdag pa niya, “Ang sakit lang sa pakiramdam kasi ako ‘yung nag-aalaga, ako ‘yung nandiyan, nagpupuyat, ako ‘yung nagha-handle ng tantrums, nagdidisiplina sa anak ko, yet kailangan ko ring mag-provide. I feel offended kasi I work hard din to provide.”
Sa madaling salita, mas malaking di hamak ang kinikita ng aktor kumpara kay Trina na kayod to the max para sa karagdagang gastusin nila ni Mithi. Hindi naman nakatunganga lang sa bahay nila ang ex-partner ni Carlo at naghihintay sa sustento niya.
Kaya unfair nga namang sabihing si Carlo lang ang bumubuhay kina Trina at Mithi.
But in fairness, hindi naman pumapalya sa pagpapadala ng sustento si Carlo para sa anak nila ni Trina.
Itinanggi rin ni Trina na ipinagdadamot niya kay Carlo ang bata.
Ang rules lang daw niya, “Ang sa akin lang, Mama Ogs, kapag kukunin si Mithi, gusto ko si Mithi lang sana. Mamili siya kung kanino niya i-spend ‘yung time niya, sa daughter niya, sa magulang niya or sa friends niya. Kasi I think Mithi doesn’t deserve na may kahati sa time since minsan na lang naman niya makasama ang daddy niya.”
At isa pang bagay na hinihingi niya kay Carlo, “Respect na rin sa akin, Mama Ogs, na huwag munang ipakilala si Mithi sa panibagong mga partner niya, kasi ayoko ring i-instill sa anak ko, sa values niya na okay lang magpapalit-palit ng partner.
“Kaya para sa akin, if ever man dumating ‘yung panahon na may pakakasalan na siya (Carlo), siguro ‘yun, kailangan na naming magkita-kita, hahayaan ko na silang mag-bonding kasi ‘yun na ‘yung tatayong pangalawang nanay ni Mithi.”
Sinabi rin ni Trina na anytime ay puwedeng puntahan ni Carlo ang anak nila sa condo.
Aminado siya na hinahanap-hanap naman daw ni Mithi ang ama dahil panay ang banggit nito ng ‘daddy, daddy.’ Kinukurot ang puso ni Trina kapag naririnig niyang binabanggit ng anak ang terminong ‘daddy’ lalo kapag may nakikita rin siyang bata na kasama ang tatay nila.
Samantala, pinili ni Trina na hindi na sagutin ang tanong ni Ogie kung ano ang dahilan ng hiwalayan nila ni Carlo dahil posible raw mapanood ni Mithi ang interview niya.
Dito namin hinangaan ang ex-partner ni Carlo dahil isinaalang-alang niya ang mararamdaman ng anak sa kanyang ama sa oras na mapanood ang video ng interview niya.
Pero hirit ni Trina, “I think, everybody knows it.”
‘Yung mga posts naman ni Trina na patama raw sa pagmamahal ay in general, na nataong related sa mga isyung dinadaanan niya at nagsisilbing payo na rin sa mga tulad niyang nahiwalay sa tatay ng anak.
Sa ngayon, naka-focus daw muna si Trina sa pagpapalaki sa anak dahil hindi rin niya kayang magpapasok ng ibang tao sa buhay nila. Kaya, ang pinaglalaanan ngayon ng panahon niya ay ang negosyong pabango.
Pero kapag dumating ang time na may nanligaw sa kanya ay hindi naman niya isinasara ang puso na magmahal muli.
“Ipinagdarasal ko ‘yun, Mama Ogs. Sabi ko na kung hindi para sa akin ‘yung lalaki, ‘wag ko nang ma-meet. ‘Wag nang mapunta sa buhay ko kasi ayoko na ng heartbreak, hahaha! Okay na ‘yun. Kaya sabi ko, kung may darating na lalaki, sana, ‘yun na siya. Ayaw ko nang magpapalit-palit or kumilala ng panibagong tao,” nakangiting sabi ni Trina pero nangingilid ang mga luha.
Sa tanong ni Ogie kung mahal pa niya si Carlo, sagot ni Trina, “Gusto kong maging honest, Mama Ogs, kasi hindi naman ako ganito kung wala (na) talaga, eh. Of course, meron pa kasi daddy siya ng anak ko.”
Umaasa pa rin ba si Trina sa mahigit isang taong hiwalay na sila ng aktor?
“Kung tinitingnan ko si Mithi, siyempre, sino bang nanay ang ayaw bigyan ng buong pamilya ‘yung anak niya, 'di ba, Mama Ogs? Pero kung iisipin ko ‘yung naging relasyon namin ni Carlo nu’n, parang hindi na rin magwo-work kung sakali man,” pag-amin ng social media influencer/businesswoman.
Hindi naman nag-react si Trina sa tanong tungkol sa bagong girlfriend daw ngayon ni Carlo na si Charlie Dizon dahil wala raw siya sa posisyon.
At sa mga bashers ni Trina, wala naman daw siyang magagawa kung ano ang gustong isipin tungkol sa kanya. Depende na raw kung kaninong bersiyon ang gustong paniwalaan ng mga ito.





Comments