Kahalagahan ng nuclear research at paggamit nito sa muling pagbangon sa dagok ng pandemya

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 9, 2020
Idinaraos ngayong linggo ang ika-48 Atomic Energy Week (AEW).
Noong Lunes, naanyayahan tayong magbigay-mensahe sa paglunsad ng AEW.
Itinampok natin sa mensahe ang halaga ng nuclear research at ang paggamit nito sa muli nating pagbangon sa dagok ng pandemya.
☻☻☻
Hindi lang sa usapin ng elektrisidad ang halaga ng nuclear research.
Matagal nang ginagamit at tiyak na makikinabang ang mga kababayan natin sa patuloy na paggamit ng mga produkto ng nuclear research.
Ang RT-PCR test na ginagamit natin sa pagtugon sa banta ng COVID-19 ay produkto ng nuclear research.
Sa pagdaan ng taon, mahalaga at maaasahang kasangkapan ang mga nuclear at nuclear-derived techniques sa pagtukoy, pagtuklas, pag-iwas at pagpigil sa pagkalat ng iba’t ibang sakit.
☻☻☻
Makatutulong din ang mga isotope at radiation techniques sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa paggamit ng mga ito, matutulungan natin ang mga magsasaka na dumami ang ani, sa pamamagitan ng paggamit ng mga crop variety na pest, disease at climate-resistant.
☻☻☻
Matagal na ring partner sa larangan ng medisina ang mga produkto ng nuclear technology —mula x-ray at iba pang imaging equipment para sa diagnosis, at maging sa paglunas ng mga sakit gamit ang mga teletherapy machine.
Napakahalaga ng nuclear technology sa pagtugon sa cancer, na isa sa mga top killer diseases sa ating bansa.
☻☻☻
Binigyang-diin din sa mensahe na kung magpapasya man ang pamahalaan na magpatupad ng nuclear policy sa pagsisikap na madagdagan ang ating energy portfolio at mapababa ang presyo ng kuryente, kinakailangang nakabase ito sa kagustuhan ng taumbayan.
Sa layong ito, kinakailangang tutukan ng pamahalaan, sa tulong ng pribadong sektor at ng academe, ang pagpapalawig ng kaalaman tungkol sa posibleng epekto ng paggamit ng nuclear energy, tulad ng mga disbentahe at pakinabang.
Kailangang maging top priority din natin ang pagsiguro na palaging bukas ang pinto para makalahok ang taumbayan at maipahayag nila ang kanilang saloobin tungkol sa isyung ito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments