Kabi-kabilang rally, gawin nang may kaayusan
- BULGAR

- Sep 15
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | September 15, 2025

Sa rami ng sunud-sunod na rally sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan na may layuning labanan ang korupsiyon, nakahanda naman ang kapulisan na gawin ang kanilang trabaho para sa ikabubuti ng lahat.
Sa naging pahayag ni acting Philippine National Police (PNP) Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., muling ipinaalala nito sa mga organizer ng kilos-protesta na tungkulin nilang kumuha ng permit bago magsagawa ng pagtitipon, alinsunod ito sa ipinatutupad nilang “No Permit, No Rally” policy.
Ayon sa PNP, hindi ito para hadlangan ang karapatan ng mga mamamayan, kundi upang panatilihin ang kaayusan, seguridad at maiwasan ang kaguluhan.
Ipinaliwanag rin ni Nartatez na ang EDSA Shrine at EDSA People Power Monument ay hindi freedom park, kaya’t mahigpit na ipinagbabawal na gawing venue ng mga kilos-protesta.
Gayunman, tiniyak ng kapulisan na mananatili ang implementasyon nila ng maximum tolerance sakaling may mga grupong igigiit ang pagtitipon kahit walang kaukulang dokumento.
Kasabay ng paalalang ito, nakahanda naman ang kanilang hanay para sa malalaking rally, lalo na sa darating na Setyembre 21 sa Luneta Park, sa Manila at sa iba pang lugar kung saan napakaraming lumalabas upang mahigpit na tutulan ang katiwalian sa ating bansa.
Ang karapatang magpahayag ay hindi tinatanggal, subalit ito’y may kaakibat na pananagutan.
Hindi tamang ituring na kaaway ng bayan ang kapulisan, bagkus katuwang natin sila sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Sila rin ay tumutulong sa pagbalanse sa pagitan ng gobyerno at mamamayan.
Kung may mga patakaran, ito ay para rin sa kapakanan ng mismong mga raliyista at ng publiko.
Sa panahon ng masalimuot na pulitika, hindi madali ang trabaho ng mga pulis. Lagi silang nasa gitna ng tensyon, at madalas silang puntirya ng sisi. At kung titingnan, ginagawa lang nila ang tungkulin na iniatang sa kanila ng batas.
Ang pagsunod sa simpleng panuntunan tulad ng pagkuha ng permit ay hindi dapat ituring na sagabal, kundi proteksyon para sa lahat. Habang ang paninindigan ng PNP ay paalala na ang demokrasya ay kailangan ng disiplina at pagsunod sa batas.
Kung nais nating marinig ang ating tinig, mas magiging makabuluhan ito kung isasagawa nang may paggalang sa batas.
Alalahanin din sana na ang tunay na pagbabago ay makakamtan kung ang bawat sigaw natin ay may dignidad at sa ilalim ng iisang layunin, ang labanan ang katiwalian.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments