"Kabang-yaman ng Maynila, winaldas" — Bagatsing
- BULGAR

- Apr 13, 2022
- 3 min read
ni Jeff Tumbado | April 13, 2022

Ibinulgar ni dating Manila Mayor Amado Bagatsing ang umano’y pagwawaldas ng kabang-yaman ng Lungsod ng Maynila mula 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Sa isang pulong balitaan kanina, sinabi ni Bagatsing, na sa gitna ng pandemya na dulot ng COVID-19 ay nakuhang umutang ng malaking halaga ang lungsod ngunit hindi naman naramdaman ng mga tao kung saan ito ginamit.
“Nakalulungkot na sa gitna ng pandemya, nakuha pa nila na magsabwatan upang waldasin ang pondo ng bayan nang wala sa ayos,” ani Bagatsing.
“Nakapagtataka na paanong nagyari na bukod-tanging ang lungsod ng Maynila lamang ang walang habas na nangutang para diumano sa pandemya. Pero ang totoo, naubos ang bilyon-bilyong pondo para sa isang serye ng mga palabas at papogi at pampaganda na proyektong hindi naman masyadong naramdaman ng mga pobre ng Maynila,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Sa ipinakitang presentasyon ni Bagatsing, inilahad nito na may humigit-kumulang 29-bilyong pisong perang nalikom noong 2019 ang dating administrasyon ni Manila Mayor Joseph Estrada. Mula ito sa napakalaking kinikita ng lungsod sa business taxes at share sa Internal Revenue Allotment (IRA).
Mariing kinuwestiyon ni Bagatsing ang pagkakautang ng 25-bilyon piso at ang pagbebenta ng mga pampublikong pag-aari ng lungsod ng Maynila tulad ng Divisoria Public Market, City College of Manila at iba pang nakatakda ring ibenta.
Sa ipinakita nitong impormasyon na mula sa DBM, may naka-record na 44-bilyong piso na proceeds from sales of assets ngayong 2022.
Ayon pa rin kay Bagatsing, maraming nakuhang tulong o donasyon mula sa international community ang lokal na pamahalaan, isama pa ang ayuda mula sa national government.
Ipinaliwanag pa ni Bagatsing na tinatayang P50,000 ang dapat na matanggap ng bawat pamilyang Manilenyo kung ang inutang na P25 bilyon ay para talaga sa ayuda o pantulong pinansiyal.
“Subalit sa aktwal, ang bawat pamilyang Manilenyo ay nakatanggap lang ng halagang 800-piso na pamaskong handog," giit ni Bagatsing.
"Ang mas masakit, hindi na nga natanggap ang 50,000 kada pamilya, may utang pa ngayon ang bawat pamilyang Manilenyo ng 50,000 plus interes, na pati ang kinita ng mga commissioner, tayo pa rin ang magbabayad!” pagpapalawig pa ng dating local chief executive.
“Tignan ninyo ang simpleng mga halimbawa natin dito. Ibenenta nila ang Divisoria Public Market sa halagang mahigit sa isang bilyong piso, para ipampagawa ng mahigit sa 1bilyong Manila Zoo? Ano ba ang mas importante? Tirahan ng hayop na meron naman? O kabuhayan ng ating mga vendor?” paliwanag ni Bagatsing.
Samantala, isiniwalat ni Bagatsing na gumastos ng milyon-milyong piso ang pamahalaang lungsod sa “Bilis-Kilos” advertisement sa TV at mga ayuda sa ibang bayan “in aid of election ni Isko.”
“Sana bago tayo tumulong sa ibang bayan, unahin muna natin ang ating sariling bayan. Bakit ka mangungutang para lamang magpapogi at magpaganda. 'Yan ang maliwanag na mga pagwawaldas ng ating kabang yaman!” saad ni Bagatsing.
“Sa ating mga kababayang Manilenyo, karapatan nating malaman ano ang tunay na katayuan ng ating kabang yaman at mga pag-aaring pampubliko. Tanungin po natin ang kasalukuyang mayor at vice mayor, ano na po ang mga nabenta o ibebenta pa ninyo bukod sa PNB bldg. at Divisoria market? Alamin natin baka mamaya hindi na tayo ang may-ari ng Boystown, ng Mehan Garden, ng Museong Pambata? Naiisip nila pati City Hall ibebenta nila, alamin natin baka pati ang North at South Cemetery ibinebenta na rin, kasama ang mga narematang pag-aari," pagtatapos nito.








Comments