Kabaliwang nangyayari sa paligid, epekto ng sobrang panic!
ni Ka Ambo - @Bistado | March 17, 2021
Tuliro ang gobyerno dahil sa COVID-19.
Kumbaga, simpleng panic!
◘◘◘
MARAMING mali sa umiiral na protocol.
Halimbawa, ang thermal scanner na ginagamit sa mga gate ng gusali o checkpoint—ay magiging sanhi ng pagkalat ng virus.
Bakit?
Lahat kasi ng dadaan sa pintuan o gate ay itinatapat ang “scanner”.
Simple, mabubugahan ito ng virus na magmumula sa “mukha o ulo” ng tao at ang kasunod na didikit dito ay puwedeng mailipat ang virus sa kanya o mag-iiwan siya ng virus sa mismong scanner na idinikit sa kanyang noo.
Tama o mali?
◘◘◘
IKALAWA, walang silbi ang scanner sapagkat walang “may lagnat” na lalabas ng bahay at didikit sa scanner.
Lahat ng tao kapag may lagnat—ay walang duda na hindi lalabas ng bahay.
Isang sintido kumon ‘yan.
Sige, ilang tao ang “natukoy” ng scanner na may “lagnat” na nagtangkang pumasok sa checkpoint?
Walang ulat na ganyan!
◘◘◘
ISA pang mali.
Malinaw na mali ang rekisitos na “rapid test” o kahit pa PCR test—pinagkikitaan lang ito ng mga buwitre sa gitna ng pandemic.
Pinakamalaking raket ay ang mga ospital at resort na gusto ay sila ang gagawa ng “rapid test o PCR test”.
Raket talaga!
◘◘◘
KAPAG isinailalim sa PCR test, epektibo lang ito sa huling oras kung kailan isinailalim sa naturang COVID test.
Paano ngayon, matapos mai-PCR test—at bumiyahe ka—at doon ka nahawa, magpa-positive ka ulit.
Mali ang sistemang ‘yan!
◘◘◘
BAGO sumakay sa eroplano o bumiyahe, karaniwan ay negatibo sa “COVID” pero pagdating sa destinasyon ay nagiging positibo, bakit?
Nahawa o nakuha nila ang virus—after “testing” –mismo sa loob ng eroplano, o katabi o nakausap sa biyahe!
◘◘◘
ERE pa ang isa.
Paano ipaliliwanag ang mga asymptomatic na nagpositibo at nagnegatibo after quarantine pero hindi hindi ginagamot dahil wala namang sintomas?
Kapag walang sintomas ng COVID—at malusog siya—bakit ibinibilang siya sa “istatistika” na may COVID?
◘◘◘
NADAPA ‘yung isang kapitbahay ko sa Balagtas, Bulacan at dinala sa ospital.
Dahil rekisitos, isinailalim siya sa PCR test ay naging positibo.
‘Yun, kasama siya sa “istatistika” ng mga nasa ospital na may COVID.
Kwidaw, natisod lang ang pasyente.
Isang malaking kabaliwan ang nagaganap sa paligid.
Epekto ito ng panic!





Comments