Kababaihan at menor-de-edad, sagipin sa human trafficking at prostitusyon
- BULGAR

- Aug 5
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 5, 2025

Habang nagiging mas maingay ang kampanya laban sa human trafficking at prostitusyon, mas tahimik naman ang mga daing ng mga kababaihan at menor-de-edad sa ilang sulok ng bansa kahit na nagsusumigaw na sila sa mga nangyayaring pang-aabuso.
Kamakailan ay nasagip ng mga awtoridad ang ilang kababaihan, kabilang na ang isang menor-de-edad, mula sa ginawang raid sa KTV bars.
Naaresto naman ang ilang empleyado at mismong may-ari ng dalawang magkatabing KTV bar sa Quezon City matapos ang isang buwan na surveillance ng pulisya dahil sa umano’y prostitution activities nito.
Ayon kay Police Lt. Col. Jefry Gamboa, sinimulan nila ang surveillance noong Hulyo, at kalauna’y isinagawa ang entrapment operation kung saan napatunayang may bentahan ng extra service sa halagang P1,500 hanggang P2,000. Sa operasyong ito, walong babae ang nailigtas — isa na rito ang 13-anyos na biktima. Ang masaklap, ang naturang bar ay nagkukunwaring canteen tuwing araw, subalit nagiging bar sa gabi. Sa tala pa ng pulisya, noong Hulyo 2, may naunang insidente rin ng pagsagip sa dalawang menor-de-edad mula sa parehong lugar. Ganyan katuso ang modus na sinasamantala ang mga butas ng batas, at kahinaan ng kababaihan at kabataan.
Sinabi rin ng mga awtoridad na ang mga nasagip na biktima ay nasa ilalim na ng pangangalaga ng Quezon City Social Services Development Department (SSDD) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang mabigyan sila ng counseling at iba pang tulong.
At gaya ng inaasahan, itinatanggi ng mga suspek ang nangyaring insidente. Gayunpaman, kahit gaano pa sila magsabing inosente, malinaw ang ebidensyang may kababaihang ginagamit at kinakalakal sa kanilang negosyo.
Ito ay hindi lang kaso ng prostitusyon, kundi maliwanag na pagbasag sa dignidad at pagwasak sa kinabukasan ng mga kababaihan at mga menor-de-edad.
Hindi kasalanan ng mga kababaihan at mga bata na mapunta sa ganitong kalagayan. Pero kung minsan, maaaring may masalimuot na istorya sa mga biktima kung bakit sila napapasok sa sitwasyong ito.
Marahil, ang kakulangan sa kabuhayan, edukasyon, at mga taong mapagsamantala, ang nagiging dahilan kaya napipilitan silang masuong sa ganyang maling gawain.
Sa kabilang banda, sa bawat sistemang umiiral ay may responsibilidad tayo na dapat panindigan at bantayan, at kung may pagkukulang man kailangan itong tugunan. Higit pa rito, tungkulin ng ating gobyerno na pangalagaan at unahin ang kapakanan ng mga mamamayan.
Alalahanin din sana natin na ang mga kababaihan, maging ang mga kabataan, ay hindi produkto na puwedeng ibenta o ikalakal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments