Kaalaman tungkol sa Conjugal Property ng kasal na mag-asawa
- BULGAR
- Mar 6, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 6, 2022
Ayon sa batas, ang kasal ay espesyal na kontrata sa pagitan ng lalaki at babae para magtatag ng pamilya. Kaugnay nito, anumang bagay na may kaugnayan sa nasabing kasal ay dapat naaayon sa isinasaad ng batas tungkol dito.
Maging ang property relations ng mag-asawa ay dinidikta ng batas maliban lamang kung mayroong marriage settlement na ginawa ang mag-asawa bago ang kanilang kasal. Sa kawalan ng marriage settlement, ang property relations ng mag-asawa na sasaklaw ay ang tinatawag na conjugal partnership of gains o ang absolute community property regime.
Sa mga nagpakasal noong hindi pa naisabatas ang Family Code of the Philippines, ang property relations ng mag-asawa ay ang conjugal partnership of gains. Sa mga nagpakasal nang naisabatas na ang Family Code of the Philippines, ang property relations nila ay ang absolute community property regime.
Sa conjugal partnership of gains, ilalagay ng mag-asawa sa common fund ang kita, produkto o bunga ng kanilang mga hiwalay at eksklusibong pag-aari at ng mga iba pa nilang ari-arian na makukuha ng isa sa kanila o nilang dalawa sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap o sa pamamagitan ng tsansa. Itinuturing na conjugal ang mga sumusunod na ari-arian: ari-ariang binili gamit ang conjugal funds; ari-ariang nabili sa pamamagitan ng pagtatrabaho o propesyon ng mag-asawa o sinuman sa kanila; ang mga bunga (civil o natural), produkto o kita na tinanggap mula sa mga common properties pati ang net fruits mula sa mga exclusive properties at mga kita na nakuha sa pamamagitan ng tsansa, tulad ng napanalunan sa sugal o sa anumang pustahan.
Ang lahat ng ari-arian na nabili ng mag-asawa sa loob ng kanilang kasal maging ito ay nakapangalan sa isa sa kanila ay ipinagpapalagay na conjugal maliban lamang kung mapatunayan ang kontra rito.
Kapag ang mag-asawa ay naghiwalay o ang kanilang kasal ay napawalang-bisa o ang samahan ay nabuwag na dahil ang isa ay namatay na, anumang natira (net gains) o benepisyo na nakuha ng parehong mag-asawa ay paghahatian nila ng pantay o ng asawang buhay pa at ng kanilang mga anak maliban lamang kung may iba pa silang napagkasunduan sa kanilang marriage settlement.
Kapag nabuwag ang conjugal partnership dahil sa ang kasal nila ay napawalang-bisa, ang mga eksklusibong ari-arian ng bawat isa sa kanila ay ibabalik at ang paghahatian lang nila ay ang kita (net profits) ng partnership.
Ang administrasyon at paggamit ng conjugal partnership property ay karaniwang pinamamahalaan ng pantay ng mag-asawa. Kung may hindi pagkakasundo, ang desisyon ng asawang lalaki ang masusunod. Kapag nagkaroon ng bentahan ng alinman sa mga ari-arian na walang pahintulot ang sinuman sa mag-asawa, ang bilihan ay walang bisa (null and void) at maaaring idulog ng nasabing asawa ang nabanggit na usapin sa husgado upang ipawalang-bisa ang naturang bentahan.
Comentarios