Senior, PWD, may 50% discount na rin sa MRT at LRT
- BULGAR

- Jul 17
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 17, 2025

Bawat sentimo’y mahalaga, kaya naman ang 50% discount sa pamasahe para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs) ay hindi lang simpleng ayuda — ito ay pagpapahalaga at pagmamalasakit sa bawat Pilipinong may limitadong kakayahan at kita.
Sa gitna ng mabilis na galaw ng modernong lungsod, ang bawat hakbang upang gawing mas abot-kaya ang serbisyo publiko ay isang pag-usad tungo sa mas makatao at inklusibong lipunan.
Kasabay ng paggunita ng 47th National Disability Week, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kalahating diskwento sa pamasahe ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2 para sa senior citizens at PWDs — karugtong ito ng naunang benepisyong ibinigay sa mga estudyante.
Tinatayang 13 milyong nakatatanda at 7 milyong PWDs ang makikinabang sa patakarang ito, na sakop kahit weekends at holidays basta’t may valid ID ang pasahero.
Binigyang-diin ng Pangulo na kinakailangan ng suporta ng mga sektor na ito sa dahilang limitado lang ang kanilang kita at kakayahang kumita. Kung tutuusin, matagal na dapat itong naipatupad, at pinagtuunan sila ng pansin sapagkat sila ang maituturing nating mahihina.
Kasabay din nito, inanunsyo ng Pangulo ang pagsisimula naman ng paggamit sa 48 Dalian train cars na binili pa noong 2014. Sa loob ng halos isang dekada, nakatengga lamang ito dahil sa teknikal na isyu. Tatlong tren na may tigatlong bagon ang sinubukan nang patakbuhin bilang panimula, habang patuloy ang pagsasaayos ng iba pa.
Hindi maitatangging maraming beses tayong nasablay sa procurement at mass transportation projects, pero sa pagkakataong ito, masarap isipin na may katarungan din sa pinaghirapan ng kaban ng bayan.
Ang mga tren ay inaasahang magpapagaan sa pagsisiksikan ng mga pasahero — lalo na ang mga mas nangangailangan ng espasyo, ginhawa, at access tulad ng mga estudyante, PWDs, at seniors.
Marahil, ang fare discount program ay higit pa sa diskwento, ito ay paraan para muling subukang paglapitin ang serbisyo sa taumbayan.
Pero sana, hindi lamang ito maging paminsan-minsang anunsyo tuwing may selebrasyon, kailangang tuluy-tuloy na kilos. Dapat itong sabayan ng modernisasyon, accessibility, at mas epektibong sistema ng transportasyon.
Para sa akin, ang pagtugon ng lipunang madalas nakakalimot sa mga pinakamahihinang tinig, at ang bawat hakbang ng pagkilala sa pangangailangan ng mamamayan ay dapat ipagdiwang, kasabay sa patuloy na panawagan ng tunay na pagbabago ng sistema sa bansa para sa ikabubuti ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments