Kaalaman tungkol sa absolute community ng mag-asawa
- BULGAR
- Aug 5, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 05, 2021
Dear Chief Acosta,
Ikinasal ako noong 2019. Noong 2020, may nag-donate sa akin ng maliit na lupa sa probinsiya. Dahil may asawa na ako, hindi ko tiyak kung makakasama ba ito sa ari-arian namin bilang mag-asawa at hindi naman sinabi ng donor na dapat ito ay maging bahagi ng aming ari-arian. Hindi rin kami nag-execute ng pre-nuptial agreement o anupamang kasunduan tungkol sa aming properties. Gabayan n’yo naman ako. – Winter
Dear Winter,
Dahil kayo ay ikinasal noong 2019 at wala kayong kasunduan tungkol sa inyong mga ari-arian, ang property regime ninyong mag-asawa ay tinatawag na Absolute Community. Sa ilalim nito, kabilang sa community property ang lahat ng pagmamay-ari na ninyo sa panahong ikinasal kayo at iyong mga maipupundar pagkatapos ninyong maikasal.
Tungkol naman sa nai-donate sa inyong lupa noong kayo ay kasal na, nakasaad sa Article 92 ng Family Code of the Philippines na ito ay hindi kabilang o excluded sa inyong community property:
“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:
(1) Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property; xxx”
Ang donation ay isa sa paraan ng pagtanggap ng property sa pamamagitan ng gratuitous title o walang hininging kapalit o kondisyon at ibinigay lamang dahil sa bukal na kalooban ng donor. Ang isa pang paraan ay succession o pagpapamana. Nabanggit din ninyong hindi sinabi o isinaad ng donor na dapat mapabilang ang property na kanyang ibinigay sa inyong community property, kaya’t ito ay hindi kasali o excluded mula rito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments