Kaalaman tungkol ng Anti-Mail Order Spouse Act
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 16, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay dating nagtatrabaho sa ibang bansa at marami akong nakilalang banyaga roon na aking naging mga kaibigan. Tinanong nila ako kung may mga kakilala ba ako na Pinay na maaari nilang makilala sa kadahilanang gusto nila makapangasawa ng galing sa ating bansa. Nais ko sana ipakilala ang mga kaibigan ko sa Pilipinas, ngunit may nakapagsabi sa akin na ipinagbabawal diumano ito ng batas at maaari akong makulong. – Aya
Dear Aya,
Ang Republic Act (R.A.) No. 10906, o mas kilala bilang “Anti-Mail Order Spouse Act” ang batas na angkop sa inyong sitwasyon. Sa ilalim ng Section 3 (a) ng nabanggit na batas, ang ipinagbabawal lang sa pagpapakilala sa pamamagitan ng internet ay kung ikaw ay tumanggap ng kahit ano dahil dito. Ayon sa nasabing batas:
“Sec. 3. Prohibited Acts. – It shall be unlawful for any person, whether natural or juridical, to commit, directly or indirectly, any of the following acts:
(a) Engage in any business or scheme for money, profit, material, economic or other consideration which has for its purpose the matching or offering of a Filipino to a foreign national for marriage or common law partnership on a mail-order basis or through personal introduction, email, or websites on the internet;”
Samakatwid, ang ipinagbabawal ng ating batas ay ang pagpapakilala ng Filipina sa banyaga sa pamamagitan ng internet upang mapangasawa ito at ang nagpakilala ay may tinanggap na konsiderasyon para rito. Sa inyong sitwasyon, kayo ay magpapakilala lamang ng inyong kaibigan na banyaga sa inyong mga kaibigan na Filipina sa Pilipinas at walang tatanggapin na kahit anumang uri ng konsiderasyon para rito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments