top of page
Search
  • BULGAR

Kaagapay sa araw ng pangangailangan-bayanihan Relief (KAP-BR), tumugon sa nasalanta ni 'Odette'

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 17, 2022



Ang super typhoon na si "Odette" ang ika-15 bagyong tumama sa bansa noong nakaraang taon at maituturing na pinakamalakas sa mga nagdaang bagyo sa 2021 na nag-landfall noong Disyembre 16 ng alas-1:30 ng hapon sa Siargao Island sa bahagi ng southeastern ng bansa.


Siyam na ulit nag-landfall ang Bagyong Odette sa Roxas, Palawan bago pa tuluyang nagtungo sa bahagi ng West Philippine Sea na nagtala ng mahigit sa 300,000 katao ang nagsilikas, mahigit sa 10,000 villages ang nawasak at milyon ang naapektuhan.


Dahil dito ay napakarami nating aktibidades noong Disyembre ang ating kinansela dahil binigyang-prayoridad natin ang pagpapadala ng tulong sa ating mga kababayang sinalanta ng Bagyong Odette.


Hindi pa tumatama ang bagyo at nasa proseso pa lamang sila nang paghahanda ay agad na tayong nagpadala ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain at damit, ngunit marami pang lugar ang hindi natin personal na napuntahan dahil sa pagtugon naman sa lumalalang pandemya.


Matapos humupa ang Bagyong Odette ay mas malaking problema pa ang kailangang unahin dahil bukod sa tirahan, sanitation and hygiene, evacuation support, family reconnection, healthcare at proteksiyon ng mga nasa delikadong kalagayan.


Medyo mahaba-haba ang kailangang panahon para maisagawa ang pagbangon kabilang na ang pagtatayo ng mga bahay, pagsasaayos ng imprastraktura ng komunidad, pagsasayos ng suplay ng kuryente at tubig at maging ang mga negosyo at agrikultura.


Libu-libong paaralan ang ginawang evacuation center na naging sanhi para mahinto sa pag-aaral ang may 15 milyong estudyante at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila lubos na nakalalayo sa naturang sitwasyon.


Kaya heto tayo at hindi rin tumitigil sa paggawa ng paraan upang tuluy-tuloy tayo sa isinasagawa nating pagtulong sa maraming lugar na labis na sinalanta ng Bagyong Odette.


Noong Biyernes ay personal tayong nagtungo sa Negros Oriental para maghatid ng libu-libong relief packs at tulong sa ilalim ng aking Kaagapay sa Araw ng Pangangailangan - Bayanihan Relief (KAP-BR) upang patuloy na makiisa sa pagbangon ng ating mga kababayan na lubhang naapektuhan ni "Odette".


Una tayong nakipagkita kay Negros Oriental Provincial Governor Roel Degamo at matapos ang ilang saglit na palitan ng paliwanagan at pagbibigay-pugay ay naghandog tayo tulong-pinansiyal para makatulong sa pagbangon ng nalugmok na lalawigan.


Kasunod nito ay tinungo naman natin ang Tanjay City Hall, kung saan ay sinalubong kami ng Mayor Reynaldo Concepcion at napakaraming mga taga-Tanjay na hindi magkamayaw sa tuwa dahil sa ipinamahagi naming mga relief packs.


Hindi natin alam kung paano itatago ang emosyong ating nararamdaman dahil sa reaksiyon ng mga tao habang tinatanggap nila ang mga relief goods na aming ipinamamahagi.


Makaraan ang mahigit isang oras ay nagtungo naman kami sa Bais City Hall at malugod tayong inalalayan ni Mayor Mercedes Goni at dito namin dinala ang bahagi ng dala naming relief packs at iba pang maaaring maitulong upang dugtungan ang pantawid ng buhay ng mga sinalanta ng bagyo.


Marami kaming dalang relief goods, ngunit sa tingin natin ay kulang na kulang pa para punan ang pangangailangan ng marami nating kababayan, partikular ang mga pamilya na may maliliit na anak.


Pagkatapos sa Bais ay agad kaming nagtungo sa bayan ng Manjuyod at doon ay maluwalhati kaming hinarap ni Mayor Felix Sy kasama ang kanyang mga tauhan na umalalay din sa amin sa pamamahagi namin ng tulong sa buong lugar.


Kumpletong relief packs din ang naipamahagi natin at iba pang tulong-pinansiyal sa ilang piling kababayan na labis talaga ang pangangailangan, partikular ang mga kababayan nating may karamdaman dahil sa hindi naman sila ligtas sa pananalasa ng COVID-19.


Saglit kaming nagpahinga at kumain ng pananghalian, ngunit makalipas lang ang ilang saglit ay dali-dali naman kaming nagtungo sa bayan ng Mabinay at doon ay halos yakapin tayo ng Mayor na si Joeterry Uy na kasama naming sa pamamahagi ng ayuda.


Dito na halos naubos ang nalalabi naming oras nang pagbibigay-ayuda dahil sa lawak ng lugar at ang huling bahagi ng dala naming relief packs ay dito na namin inubos lahat para maipapamahagi na lubhang inaabangan din ng marami nating kababayan.


Sa kabuuan ay matagumpay ang isinagawa ng ating Kaagapay sa Araw na Pangangailangan - Bayanihan Relief (KAP-BR) sa pangunguna ng inyong lingkod at kung may pagkakataon pa ay muli nating isasagawa ang pamamahagi upang maalalayan din ang iba pa na hindi inabot ng ating tulong.


Nais kong pasalamatan ang mga ng Mayor at Gobernador ng Negros Oriental na sumama sa atin at hindi tayo pinabayaan kaya naging mapayapa at maayos ang ating pamamahagi.


Halos madilim na nang dumating kami sa Dumaguete airport para makalipad pabalik ng Maynila, ngunit hindi tayo nakaramdam ng pagod dahil sa nakikita nating magkahalong luha at ngiti ng mga kababayan nating hindi nawawalan ng pag-asa na isang araw ay makakabangon din sila.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page