top of page
Jericho Rosales Official - IG.jpg

Ka-tie ni Odette Khan na Best Actress… “MAY URIAN NA ‘KO!” — MARIS

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 10, 2026



Maris Racal - IG

Photo: Maris Racal - IG



“May Urian na ‘ko!!!! Maraming Salamat, PAPA GOD!” post ni Maris Racal sa kanyang Instagram account nitong Huwebes nang gabi habang hawak ang napanalunang Pinakamahusay na Aktres trophy para sa pelikulang Sunshine mula sa 49th Gawad Urian na ginanap sa De La Salle University Manila.


Ka-tie ni Maris sa parehong kategorya ang beteranang aktres na si Odette Khan para sa pelikulang Bar Boys: After School, at personal nitong tinanggap ang parangal.


Hindi rin solo ni Carlo Aquino ang kategoryang Pinakamahusay na Aktor para sa pelikulang Bar Boys: After School dahil tabla sila ni Jericho Rosales para sa pelikulang Quezon. Ang asawa ni Carlo na si Charlie Dizon ang tumanggap ng kanyang award dahil naka-lock-in shoot siya ng Incognito 2 sa hindi binanggit na probinsiya.


Solo naman ni Will Ashley (Bar Boys: After School) ang tropeong Pinakamahusay na Pangalawang Aktor na siya mismo ang tumanggap at sandaling nagpaalam sa set ng Delivery Boi, drama series na mapapanood sa GMA-7.


Aniya, “Grabe, araw-araw, sinosorpresa po ako ng Panginoon kasi dating pangarap lang ay natutupad na unti-unti ngayon. Nagpapasalamat po ako, unang-una, kay Lord sa parangal na ‘to at sa oportunidad na ibinigay Niya sa ‘kin. Salamat din po sa lahat ng bumubuo ng Gawad Urian sa pagkilala sa parangal na ito, sa lahat ng bumubuo ng Bar Boys: After School, sa staff, sa 902 Studios, kay (Direk) Carlo Catu at sa aming direktor na si Kip Oebanda. Maraming salamat sa pagtitiwala sa akin sa buhay ni Arvin Asuncion, sa co-actors ko, maraming-maraming salamat sa inyo, sa pamilya, sa mga kaibigan ko, sa GMA Network, sa Sparkle, kay Ms. Tracy (Garcia), Ms. Annette (Gozon), Ms. Joy (Marcelo), at kay Kuya Wil na laging nandiyan to support me. I’d like to share this award also to my fellow nominees. Congratulations po. And sa mga taong nagmamahal at sumusuporta, para sa inyo po ang award na ‘to. At ang award na ito ay inaalay ko sa mga nangangarap at nagte-take ng bar exams. 


“Never stop believing and never stop dreaming. Tuloy lang po ang laban. Tulad ni Arvin Asuncion, nadapa man pero muling bumangon at nakapasa (ikalawang take ng bar exam).”

Tulad ni Will, solo rin ni Jennica Garcia ang tropeo niya bilang Pinakamahusay na Pangalawang Aktres para sa pelikulang Sunshine.


Ang mga pelikulang Bar Boys: After School at Sunshine ang nakakuha ng major awards sa nasabing Gabi ng Urian.


Narito ang kumpletong listahan ng mga nanalo:

Pinakamahusay na Aktres - Maris Racal (Sunshine) at Odette Khan (Bar Boys: After School)


Pinakamahusay na Aktor - Carlo Aquino (Bar Boys: After School) at Jericho Rosales (Quezon)

Pinakamahusay na Pangalawang Aktres - Jennica Garcia (Sunshine)

Pinakamahusay na Pangalawang Aktor - Will Ashley (Bar Boys: After School)

Best Cinematography - Quezon

Best Screenplay - Republic of the Philippines

Best Documentary - Bloom Where You Are Planted

Best Short Film - Cemento

Best Production Design - Quezon

Best Editing - Bloom Where You Are Planted

Best Music - Jerrold Tarog (Quezon)

Best Sound - Cinemartyrs

Best Director - Noni Abao (Bloom Where You Are Planted

Best Film - Bloom Where You Are Planted

Outstanding Gawad Urian Award - Ms. Laurice Guillen





ANG ganda ng kuwento ng 2 Valid IDs, 2026 Cinemalaya entry, kaya naman pala nanalo ng Audience Choice Award at Special Jury Award, bukod pa sa Best Actress award ni Marietta ‘Pokwang’ Subong na napakahusay sa pagganap.


Tiyak na maraming makaka-relate sa pelikulang 2 Valid IDs na pinagbibidahan nina Joey Marquez, Meryll Soriano, Zaijian Jaranilla at Pokwang dahil totoong nangyayari ito at marami ang nakaka-experience, lalo na sa mga mahihirap o tinatawag na nasa laylayan.


Inamin ni Tsong Joey na naranasan din niya ang hanapan ng dalawang valid ID, kaya hindi siya pabor sa ganitong patakaran dahil bakit kailangan ng dalawa pa gayung puwede naman ang isa lang?


Si Pokwang naman, nang ialok sa kanya ang role na Sylvia at mabasa niya ang script, nasambit niya, “Sylvia, ako ba ‘yan?” dahil naranasan niya mismo ang hirap para magkaroon ng dalawang valid ID.


“Kasi bilang ordinaryong mamamayan, ‘di as Pokwang, sa panahong Marietta Subong, bago ako nag-OFW, ay pinagdaanan ko ang mga pila dito, pila r’yan, kumuha ng ganito para magka-passport ka, ganyan. Tapos nu’ng nagkasakit ang anak ko, nagka-brain tumor, another pila na naman, hingi tulong sa gobyerno, pila na naman para sa tulong. Nakamatayan na lang ng anak ko, ‘di namin nakuha ‘yung tulong.


“Tapos mayroon pang isa, sabi ko, Direk (Ma-an L. Asuncion-Dagñalan), may kapatid akong namatay kasi dose (12) kami. ‘Yung pang-apat, ‘yun ang namatay na mali ‘yung way ng pagpurga, so nabulabog ‘yung mga alaga (bulate), so kung saan-saan lumabas hanggang sa binutasan ang kapatid ko dito (leeg). Wala kaming pambayad, kaya na-hold ‘yung bangkay (emosyonal). Umabot sa nakipagbuno (away) na si Tatay sa mga tao sa hospital.


“Sabi ko, grabe ‘tong pelikulang ‘to. Sabi ko, ‘Direk, salamat at na-offer n’yo sa ‘kin ang pelikula kasi naging instrument kami para ipakita kung ano talaga ang pinagdaraanan nina Sylvia, Ramon (Joey), at Denver (Zaijian).’


“Araw-araw, may ganitong karakter sa totoong buhay. Kami ‘yung way para isalamin kung ano ‘yung pinagdaraanan ng mga nasa laylayan natin,” naluluhang kuwento ni Pokwang.


Kaya naman abut-abot ang pasasalamat niya sa pagbabago ng buhay niya at sa mga taong tumulong para maabot niya ang kinaroroonan niya ngayon.


Mapapanood ang 2 Valid IDs sa Oktubre 14 nationwide, mula sa panulat ni Abet Padagdagan Raz at sa direksiyon ni Ma-an L. Asuncion-Dagñalan, handog ng Super! Eyepoppers Multimedia Services, Cloudy Duck Pictures, ALIUD Entertainment, CMB FILM Services, Inc., Be True Entertainment and Recreation, at Solar Studios.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page