Jungkook nagwagi sa Gold House Co. LTD
- BULGAR
- Sep 13, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | September 13, 2023
Bagsak ang balikat ng mga liyamadista matapos manalo ni Jungkook sa Gold House Co. LTD. Special race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nanood sa tersero puwesto si Jungkook na sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez, nasa unahan ang liyamadong Boss Emong habang segundo si Life Gets Better.
Bentahe ng tatlong kabayo si Boss Emong kay Life Gets Better pero nasa malayong tersero naman sa Jungkook sa kalagitnaan ng karera. Subalit papasok ng far turn ay kumukuha na ng segundo puwesto si Jungkook kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nagkapanabayan na ang dalawa.
Sa tabing balya dumaan si Jungkook nang agawin nito ang bandera kay Boss Emong sa rektahan habang malakas naman ang dating ng magka-kuwadrang Robin Hood at Magtotobetsky.
Hindi naman nataranta si Hernandez, nanatili sa unahan ang Jungkook at nanalo ito ng may isa't kalahating kabayong agwat sa pumangalawang Robin Hood, tumersero ang Magtotobetsky habang pang-apat na tumawid sa meta ang Boss Emong.
Inirehistro ng Jungkook ang tiyempong 1:51 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si TT Sevilla ang P180,000 premyo.
Hinamig naman ng Robin Hood ang P67,500 habang tig- P37,500 at P15,000 ang kinubra ng Magtotobetsky at Boss Emong sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. Ibinulsa naman ng winning breeder ang P4,000.





Comments