Jungkook, magilas sa handicap ng SLLP

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 2, 2022
Nagpakitang-gilas si Jungkook noong Sabado nang hapon nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Bumilib ang mga panatiko ni Jungkook sa ipinakita nitong performance na ayon sa mga karerista ay parang nagtrangko lang ito.
"Napakahusay ni Jungkook, simpleng pinaglaruan lang ang mga kalaban kaya walang kahirap-hirap siyang nanalo," saad ni Jose Villahermosa, veteran karerista.
Nanood muna sa kaagahan ng karera si top favorite Jungkook, habang nasa unahan ang matulin sa largahan na si Under Pressure.
Subalit papasok ng far turn ay kumukuha na ng unahan si Jungkook na nirendahan ni star jockey Jeffrill Zarate kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nangunguna na ang winning horse.
Hindi na pinaporma ni Jungkook ang mga kalaban, lalo itong lumayo kaya pagsapit ng rektahan ay halos wala na itong kalaban.
Tinawid ni Jungkook ang meta ng may apat na kabayong bentahe sa nasegundong si Early Bird. Inirehistro ni Jungkook ang 1:29.8 minuto sa 1,400 meter race, sapat upang masikwat ang added prize na P5,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Tumersero si El Mundo habang pang-apat si Under Pressure.
Samantala, ilang tulog na lang at masisilayan muli ng mga karerista ang bakbakan ng mga tigasing kabayo sa 2022 PHILRACOM "Chairman's Cup" na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Mayo 8.
May guaranteed prize na P2.5M na ikakalat sa unang kabayong tatawid sa meta sa distansiyang 2,000 meter race.
Magtatagisan ng bilis sina Boss Emong, Super Swerte, Big Lagoon, Isla Puting Bato at former Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island.





Comments