top of page
Search
  • BULGAR

JOSHUA, GAME NANG MAGKADYOWA NG MAS MATANDA

ni Melba R. Llanera @Insider | June 1, 2023




May punto naman si Joshua Garcia kung bakit niya ibinenta ang mga mamahaling sasakyan tulad ng Dodge Challenger at Triumph Bonneville T150 motorcycle.


Sinabi ng aktor na galing siyang probinsiya at laki sa hirap kaya't alam niya kung ano ang mga kailangan at importante lang sa buhay niya.


Maaaring gusto lang na makipagsabayan ng aktor sa mga mamahaling sasakyan ng mga kapwa artista, lalo na ng kanyang kaibigan na si Daniel Padilla na nagmamay-ari ng mga mamahaling sasakyan tulad ng 1967 Ford Mustang, Porsche 718 Boxster S, Lamborghini Huracan Spyder 2018 at 1966 Pontiac GTO.


Tulad ni Joshua, nagkaroon din ng Dodge Challenger na sasakyan si Daniel, pero ibinenta niya ito nu'ng nakaraang taon.


Para sa amin ay mas tama na mag-ipon na muna ang Kapamilya actor, mag-invest ito sa mga mas kumikitang investments at umiwas sa mga bagay na 'di naman niya talaga kailangan at magagamit.


Samantala, sa unang episode pa lang ng Unbreak My Heart ay lutang na lutang na agad ang husay ni Joshua sa mga eksena niya.


Inaabangan din ng marami ang kissing at love scene nina Joshua at Jodi Sta. Maria sa istorya. Ayon sa Kapamilya actor ay malaki ang naitulong ng sensuality workshop para ma-execute nila nang maayos ang mga naturang eksena.


Suhestiyon nga ni Joshua, dapat ay dumaan sa ganitong klase ng workshop ang mga artista na gagawa ng ganitong eksena, lalo't malaki ang tendency na kapag natatangay sila ng kanilang emosyon ay lumalagpas sila minsan sa kanilang mga boundaries.


Single ngayon at walang girlfriend ang aktor, pero bukas naman si Joshua sa posibilidad na muling ma-in love sa isang babae na malaki ang agwat ng edad sa kanya.


Paliwanag sa amin ni Joshua, sa edad niya ngayon na 25 ay malalim na connection na sa isang babae ang hinahanap niya.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page