Jologs na, sablay pa sa Ingles… HERLENE, MAS MALALA PA KAY MELANIE MARQUEZ
- BULGAR
- Jun 26, 2023
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 26, 2023

Inulan ng masasakit na batikos at komentaryo si Herlene Budol a.k.a. Hipon Girl dahil sa “lutang” niyang sagot sa Q&A portion sa ginanap na Miss Grand International-Philippines 2023 beauty pageant.
Nasobrahan daw ito sa pagiging jologs na nagmistulang nasa comedy bar na lang.
Halatang hindi man lang niya pinaghandaan ang kanyang pagsabak sa Miss Grand-Phils. 2023. Kaya sa halip daw na karangalan ay tiyak na kahihiyan daw ang maibibigay nito sa Pilipinas.
Well, ipinagtanggol naman si Herlene ng kanyang mga fans at supporters laban sa mga bashers na masyadong judgmental at hinamak na ang pagkatao ng bida sa seryeng Magandang Dilag.
Simula noong madiskubre si Herlene sa programang Wowowin ay jologs na talaga siyang kumilos at magsalita. Aminado rin naman siya na kapos siya sa kaalaman at hindi matalino.
Hirap din siyang magsalita ng Ingles, kaya ‘yun ang talagang pinaghahandaan at kinakarir niya ngayon para sa pagsabak sa international stage, kung sakaling siya ang manalo sa Miss Grand-Phils. 2023.
Ang laki-laki na ng ipinagbago ng kanyang physical appearance. Nagkaroon si Herlene ng hitsurang pang-beauty queen na talaga. Nag-iba na rin ang aura ng personalidad niya. Puwede na siyang makipagsabayan sa magaganda at seksing kandidata sa iba’t ibang beauty pageants.
Ganunpaman, marami ang nagpayo kay Herlene na ‘wag niyang baguhin ang kanyang totoong pagkatao at pagiging down-to-earth, sapagkat ‘yun ang minahal at nagustuhan ng mga fans at supporters niya.
Sa katunayan, naikukumpara nga si Herlene kay Miss International 1979 Melanie Marquez dahil dati ring hinahamak at pinagtatawanan ang mali-mali nitong pagsasalita ng Ingles nang sumali ito sa nasabing beauty pageant.
Komento ng iba, mas angat lang nang konti si Melanie kesa kay Herlene na jologs na jologs.
Pero kahit na kapos din daw si Melanie sa talino, hindi naman siya nagpaapekto sa kanyang mga kritiko at pinatunayan niya na hindi sa pagalingang magsalita ng Ingles ang labanan sa mga beauty pageants.
Kailangan din daw na witty, smart at may self-confidence ang isang kandidata, plus dapat ay nagtataglay ito ng kagandahan.
Kaya pinayuhan si Herlene na manatili lang siyang totoo sa kanyang sarili at dedmahin ang mga detractors.
Anyway, at least, hindi lang naman sa mga beauty pageants umiikot ang buhay niya dahil may showbiz career din itong masasandigan.
May kontrata si Herlene sa GMA Network at siya ang bida sa afternoon soap na Magandang Dilag.
Makakasama niya rito ang magagaling na artistang sina Chanda Romero, Sandy Andolong, at ang kanyang dalawang leading men na sina Benjamin Alves at Rob Gomez.
Ang nasabing serye ay mula sa direksiyon ni Don Michael Perez.





Comments