top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Jokic, MVP uli ng NBA; dinaig sina Embiid at Antetokounmpo

Writer: BULGAR
BULGAR
May 13, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 13, 2022



Opisyal na inihayag ng NBA ang paggawad ng 2022 Kia Most Valuable Player kay Nikola Jokic ng Denver Nuggets. Ito na ang ikalawang sunod na taon na nagwagi ang sentro na tubong Serbia at sinamahan niya ang listahan ng 12 iba pang manlalaro na naabot ang bihirang karangalan.


Sa 74 na laro, nagtala si Jokic ng mga numerong 27.1 puntos, 13.8 rebound, 1.5 agaw at 0.9 tapal na lahat ay pinakamataas sa 7 taon sa liga at may kasama pang 7.9 assist na mas kaunti kumpara sa 8.3 noong 2021. Tinalo niya sa botohan sina Joel Embiid ng Philadelphia 76ers at ang 2019 at 2020 MVP Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks.


Kahit nabigong makamit ang pangatlong MVP, nagtrabaho nang husto si Giannis upang maipanalo ang mahalagang Game 5 sa serye sa Boston Celtics, 110-107, kahapon sa TD Garden. Umangat ang Bucks sa 3-2 at maaaring tapusin na ang serye sa Game 6 sa harap ng kanilang tagahanga sa Fiserv Forum ngayong Sabado.


Humabol ang Milwaukee sa huling 10 minuto mula sa 93-79 lamang ng Boston sa likod nina Giannis, Jrue Holiday at Pat Connaughton hanggang umabante na may 11 segundo sa orasan matapos tapikin papasok ni Bobby Portis ang mintis na free throw ni Giannis, 108-107.


Pang-MVP ang numero ni Giannis na 40 puntos at 11 rebound at tinulungan ni Holiday na may 24 puntos habang 14 puntos at 15 rebound si Portis. Nagsumite si Jayson Tatum ng 34 puntos at 26 puntos si Jaylen Brown, subalit malabnaw ang laro ng bayani sa Game 4 na si Al Horford na 8 puntos lang.


Maliban kay Giannis at Jokic, ang mga aktibong manlalaro na nagwagi ng magkasunod na MVP ay sina LeBron James ng Los Angeles Lakers at Stephen Curry ng Golden State Warriors. Binubuo ang listahan ng mga alamat na sina Kareem Abdul-Jabbar, Michael Jordan, Larry Bird, Moses Malone, Bill Russell, Wilt Chamberlain, Tim Duncan at Steve Nash.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page