Joke rin pala ang ibinida ni P-Duterte noong 2016 election na hate niya ang mga oligarch
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 23, 2021
UMUUSOK SA GALIT ANG MGA DDS SA BANTA NI TRILLANES NA IPAKUKULONG ANG 'DA BEST PRESIDENT' SA MUNDO--Umuusok na naman sa galit ang mga DDS kay ex-Sen. Antonio Trillanes IV.
Nagdeklara na kasi si Trillanes na tatakbo raw siyang pangulo sa 2022 election kung hindi kakandidatong pangulo si Vice-Pres. Leni Robredo, at kapag siya ang nanalo ay ipakukulong niya si P-Duterte.
Bagama’t walang katiyakan kung mananalo sa pagka-pangulo si Trillanes at masakit pa rin sa mga DDS ang banta ng dating senador kasi itinuturing ng mga DDS na "da best president" sa mundo si P-Duterte, tapos may nagbabantang ipakulong ito, boom!
◘◘◘
PANELO, NANANAGINIP NANG GISING?--Sabi ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay kinausap siya ni P-Duterte at pinatatakbo siya sa 2022 election dahil kailangan siya ng sambayanang Pilipino.
Tila nananaginip nang gising si Panelo kasi wala namang public clamor na humihikayat sa kanyang kumandidato para masabi niyang kailangan siya ng sambayanang Pinoy, buwisit!
◘◘◘
IBINIDA NI P-DUTERTE NA HATE NIYA ANG MGA OLIGARCH, JOKE LANG--Matapos lagdaan ni P-Duterte ang 25-years franchise ng DITO Telecommunication ni Davao City Fil-Chinese oligarch Dennis Uy ay nabalita naman na si Dennis Uy na rin ang may malaking kontrol sa Malampaya Gas Plant sa Palawan.
Malamang, gulung-gulo na isip ng mga DDS kasi akala nila ay anti-oligarch si P-Duterte, pero may nagkakabiyaya rin palang oligarch sa kanyang administrasyon, at dahil d'yan ay lumalabas na "joke" rin pala ng pangulo ang ibinida noong 2016 election na hate niya ang mga oligarch, boom!
◘◘◘
AKALA NG PUBLIKO PALABAN ANG STATEMENT NI YORME 'YUN PALA SUSUNOD DIN SA UTOS NG DILG NA HUWAG IANUNSIYO ANG BRAND NG BAKUNA--Hindi nagustuhan ni Manila Mayor Isko Moreno ang utos ng DILG sa LGUs na isikreto sa mamamayan ang brand ng bakuna dahil ayon kay Yorme ay karapatan ng publiko na malaman ang klase ng bakunang ituturok sa kanila.
Matapos ang pabidang statement ni "Yorme" ay sinabi niyang susundin pa rin niya utos ng DILG at sa vaccination center na lang niya ipapasabi sa mga tuturukan ang brand ng bakunang ituturok sa kanila.
Hanga na sana ang publiko kasi akala nila palaban ang statement ni 'Yorme,' na hindi susundin ang utos ng DILG, 'yun pala ay susunod pa rin pala, ha-ha-ha!





Comments