Join sa rally nina BBM at Sara, pero… PIOLO, IPINAGSIGAWANG KAKAMPINK SIYA
ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 13, 2022

Kamakailan lang ay nakita ang Kapamilya actor na si Piolo Pascual sa campaign rally nina Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Marami tuloy ang nagulat dahil ang akala nila, bumaligtad na si Papa P. at iniwan na sa ere ang mga co-Kapamilya stars niyang karamihan ay lantaran sa pagiging Kakampink.
Pero ang totoo, nasa naturang rally si Piolo para sa Ang Probinsyano partylist na kanilang sinusuportahan nina Tito Boy Abunda, JM de Guzman at Donnalyn Bartolome.
So, malinaw na hindi para sa BBM-Sara UniTeam ang appearance ru'n ni Papa P.
At nito ngang Lunes, inanunsiyo ng award-winning actor ang kanyang buong suporta para sa kandidatura ni Vice-President Leni Robredo, kung saan tinawag niya ito na tunay na mukha ng pagkakaisa o unity, at ang natatanging kandidato na makakapagbuklod sa ating bansa.
Sa isang video message, sinabi ni Piolo na si VP Leni lamang ang tanging kandidato na nakapagbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na magsama-sama at magtulungan para sa ikabubuti ng lahat, at ang tanging nagbigay-pag-asa para sa mas magandang bukas ng Pilipinas.
“Ang totoong pagkakaisa ay isang pangako na walang maiiwan, lahat tayo magkakasabay na humahakbang para sa pangarap na lipunan,” ani Piolo.
“At ang totoong pagkakaisa ay inspirasyon at panawagan na tayong lahat ay gumawa ng kabutihan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin niya na ang mga Pilipino ay magiging buo ang suporta sa ganitong klase ng pagkakaisa.
Sabi rin ng aktor, ang tunay na pagkakaisa ng taumbayan ay makakamit lamang sa ilalim ng bukas, tapat at mahusay na pamamahala na maibibigay lamang ni VP Leni.
“Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taumbayan. Pilipino para sa kapwa Pilipino. Iisa lang ang taong nagpakita at nakapagparamdam niyan sa atin sa loob ng napakaraming taon, si Leni Robredo lang.
“At si Leni Robredo lang ang tanging iboboto kong pangulo ngayong eleksiyon,” pag-amin pa ng aktor na bihirang mag-endorso ng kandidato.
Idiniin din ni Piolo na binigyang-inspirasyon ni Robredo ang mga Pilipino na magbayanihan lalo na noong panahon ng pandemya.
“Parang nu'ng simula ng pandemya at nagkakandaubusan ng PPE sets para sa ating mga frontliners, mga nagkakaisang Pilipino ang nag-ambagan para mabilis na maaksiyunan ang kakulangan,” ani Piolo.
“Sa punto ng buhay at kamatayan, ang pagkakaisa natin ang nagbigay ng tatag at pag-asa, kaya marami tayong nagagawa. Hindi para sa sarili, kundi para sa kapwa. Ganito ang hitsura ng totoong unity.”
Ang ganitong klase ng pagkakaisa ang nagbibigay-lakas sa mga Pilipino para ipahayag ang kanilang suporta sa kandidatura ni VP Leni; na marami pa nga ay naglalaan ng sariling pera at oras o mga abonado para dumalo sa mga grand rallies at magsagawa ng iba’t ibang aktibadad para sa kampanya ng bise-presidente.
“Mga magsasakang naglalakad para makarating sa venue, mga volunteers na gumagastos ng sariling pera para mangampanya, mga nanay na kasama ang mga anak nila sa laban,” ani Piolo.
Samantala, ngayong balik-normal na ang taping at shooting sa showbiz, balitang mainit din ang magiging tapatan ng mga shows nina Piolo Pascual at Pia Wurtzbach titled My Papa Pi sa Kapamilya Network at Jose and Maria's Bonggang Villa nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa GMA-7.
If true, exciting, 'di ba?!





Comments