JOEY, PAULIT-ULIT INIYAKAN ANG PAG-ALIS SA TAPE, INC.

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 9, 2023

Finally ay humarap na rin si Joey de Leon sa isang panayam at nagsalita na hinggil sa mga kaguluhan at problemang kinaharap nila sa TAPE, Inc..
Sa panayam sa Frontline Pilipinas ng News5 last Wednesday night ay naitanong nina Cheryl Cosim and Julius Babao kay Joey ang tungkol sa naging desisyon nila nina Tito Sotto and Vic Sotto na umalis sa TAPE, Inc. after 44 years.
“Masakit ba ang hiwalayan? Did you expect it na aabot po sa ganito?” ang tanong ni Cheryl.
“Nagulat nga kami, actually, sa totoo. Well, ang hirap anuhin, eh, hanggang ngayon, naguguluhan nga ako bakit nangyari, eh,” sabi ni Joey.
“Well, sabi nga ng isang kaibigan namin, ‘yung tungkol sa rejection, ‘Rejection is God’s redirection,’” dagdag niya.
Sa isang panayam ay nabanggit ni Tito Sen na napaiyak si Joey sa nangyari at hindi naman ito itinanggi ng tinaguriang Henyo Master.
“Hindi ko alam kung gusto kong ikuwento, pero umiyak ako nu’ng second day (ng pag-alis),” aniya.
At this point ay hindi na napigilan ni Joey ang maging emosyonal. “Iyakin talaga ako, eh,” sambit niya.
Umiiyak niyang ikinuwento ang pag-text sa kanya ng isang kaibigan from Puregold na si Susan Co at tinanong daw kung okay sila. Tinawagan niya ito at nag-usap sila sa telepono.
“Umiyak na ako,” ang umiiyak niya pa ring kuwento.
“Hindi ko alam ang mangyayari, eh. Ang dami pang sumunod nu’n. Salamat sa lahat, hindi lang kina Susan, kina Vincent, at salamat sa lahat ng mga tao na nabasa namin, nagulat nga kami. Sabi ko nga kay Tito, ‘Ano ba ‘to, kung kelan tayo tumanda, ru’n tayo pinag-usapan?’” patuloy ni Joey.
Saad pa ng TV host, “Kaya ako naiyak, Julius, Cheryl, ako 'yung nakaisip nu’ng title, eh.
Ngayon ko ipagyayabang. Pero hindi ako kumibo.”
Ang tinutukoy nga na title ni Joey ay ang Eat… Bulaga! na ginagamit pa rin ngayon na title ng TAPE.
Hindi pa rin matigil ang pag-iyak ni Joey habang nagpapasalamat sa lahat ng taong sumusuporta at nagmamahal sa kanilang tatlo ng TVJ.
“Kayo man, mag-44 years, maiiyak din kayo,” umiiyak pa rin niyang sey.
Eat… Bulaga! is celebrating its 44th year this July 30, 2023.
Ayon nga kay Joey, dumaan daw ang kanilang noontime show sa 3 networks (pang-apat ngayon ang TV5) at siyam na pangulo ng Pilipinas.





Comments