Jimuel, nabigo sa ika-apat na amateur fight sa California
ni MC - @Sports | June 29, 2022

Nakatikim ng unang mapait na pagkatalo ang anak ni Senator Manny Pacquiao na si Manny “Jimuel” Pacquiao Jr., sa kanyang ikaapat na amateur fight sa United Irish Cultural Center sa San Francisco.
Patuloy ang laban ni Jimuel sa larangan ng boksing at nais nitong sundan ang yapak ng kanyang ama na naging eight division world champion na kumita ng limpak-limpak na salapi sa pagboboksing.
Upang mapasaya ang mga tagahanga na patuloy na tumatangkilik ng kanyang mga laban, nakipagbakbakan ng husto si Jimuel pero bigo itong makuha ang panalo.
Nakuha ni Chris Smith, isang home fighter mula sa Bay Area, ang panalo upang bigyan si Jimuel ng panahon upang mag-isip kung ipagpapatuloy pa ba nito ang kanyang boxing career.
Naging seryoso si Jimuel sa larangan ng boksing at pinag-aralan niya ito ng husto sa loob ng ilang taon.
Inaasahang magsasanay pa ng husto si Jimuel upang mapabuti ang estilo sakaling nais nitong ipagpatuloy pa ang career sa boksing. Hawak ngayon ni Jimuel ang 3-1 sa amateur fight.
Para naman sa kanyang amang si Pacquiao, nananatiling posible ang kanyang pagbabalik sa boksing matapos matalo sa halalan ng pagka-Pangulo ng Pilipinas noong Mayo.
Ayon sa ulat, target ni Pacquiao na lumaban pa ng isang professional fight o kahit isang exhibition fight. Sa ngayon, umiwas si “Pacman” sa pakikialam sa boxing career ni Jimuel.





Comments